MAY kabuuang 502 “Blue Boys” o traffic enforcers ng Pasig City na deputized officers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang maniniket sa mga lalabag sa batas trapiko ng lungsod simula ngayong araw.
Ito ang sinabi ni Rodrigo De Dios, ang hepe ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) ng Pasig City sa panayam ng BRABO News.
“502 lahat ang traffic enforcers natin na deputized ng MMDA para mag-issue ng ordinance violation receipt (OVR) o maniniket sa sinumang mahuhuli na lumabag sa batas trapiko dito sa ating lungsod,” ang pahayag ni De Dios.
Matatandaan na naging malaking isyu sa Metro Manila ang ginagawang paniniket ng mga traffic enforcers ng 16 na lungsod at isang munisipyo dahil ang inisyu na OVR ng ibang local government unit (LGU) ay hindi kinikilala ng ibang LGU at ang masaklap pa dito ay pati na sa ibang lugar sa labas ng NCR.
Ang nasabing usapin ay umabot sa Korte Suprema na nagsabing tanging MMDA lamang ang may hurisdiksyon na mangasiwa ng trapiko sa Metro Manila at inutusan ang mga LGU na itigil na ang pag-isyu ng sarili nitong OVR.
Idinagdag pa ng hukuman na maaari lamang itong gawin ng mga LGU kung sila ay bibigyang pahintulot ng MMDA na gumawa ng gayon.
Bunga nito, bumuo ng sistema ang ahensya, ang single-ticketing system (STS), nang sa gayon ay maging pare-pareho ang mga uri ng paglabag pati na ang halaga ng multa na ipapataw sa bawat traffic violations.
Tumalima naman ang Metro Manila Council (MMC) at sumang-ayon sa sistemang ito at bilang pakikiisa, bibigyan na ng pahinulot ng MMDA ang mga LGU na maniket.
Sa kasalukuyan mayroon ng 10 LGU sa Metro Manila ang deputized ng MMDA at ito ay ang Malabon, Mandaluyong, Pateros, Valenzuela, San Juan, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City at Pasig City.
Kasalukuyan pang inaayos ang sistema sa mga lungsod ng Caloocan, Marikina, Taguig, Makati, Manila, Las Piñas at Muntinlupa.
Paalala ni De Dios, hanapan muna ng MMDA ID ang enforcer na nanghuhuli bilang patunay na siya ay isa sa 502 deputized traffic enforcers sa Pasig City.