Traffic enforcer na sinuhulan ng ₱2,400 iimbestigahan ng MMDA

0
Inasistehan ni MMDA Special Operations Group-Strike Force Officer-in-Charge Gabriel Go (naka-pula) ang biktima upang matukoy ang umano'y traffic enforcer na nangotong sa kaniya. (Photo: MMDA)

PINAIIMBESTIGAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang traffic enforcer nito na idinadawit ng pangongotong sa isang motorista noong Marso 15, 2024.

Ito’y matapos i-post sa social media ng umano’y naging biktima nito na nagpadala ng suhol gamit ang mobile wallet app.

Agad na iniutos ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na i-relieved muna ang nasabing enforcer habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kaniya.

“Hindi natin kukunsintihin ang anumang uri ng korapsyon kung saan sangkot ang ating mga tauhan. Sinuman ang mapapatunayan na nakagawa ng krimen ay mananagot sa batas,” ang pahayag ni Artes.

Sa social media post ng nagrereklamo, sinabi nito na habang binabaybay niya ang Commonwealth Avenue sa Quezon City, pinara umano siya ng enforcer dahil sa mga paglabag nito sa batas trapiko.

Ayon sa enforcer, gumagamit umano siya ng cell phone habang nagmamaneho, walang seat belt at paso na ang rehistro ng kaniyang sasakyan.

Matapos niyang ibigay ang kaniyang driver’s license, sinabi pa ng biktima na kailangan umano niyang magbayad ng ₱15,000 at mai-impound pa ang sasakyan nito.

Nakipagtawaran pa umano siya hanggang ibinaba ito sa ₱5,000 at sinabing may mobile wallet din umano ang enforcer.

Makalipas ang ilang minutong pag-uusap, binigyan umano siya ng instruksyon na i-transfer nito ang ₱2,400 sa mobile wallet ng enforcer.

Kaagad siyang nag-post sa social media kaugnay sa kaniyang naging karanasan sa kamay ng nasabing traffic enforcer para magsilbing babala sa iba.

Idinagdag pa ng biktima na kinabukasan umano ay may tumawag sa kaniya at ibinalik ang pera at pinakiusapan siya na burahin ang post nito sa social media, ngunit hindi niya ito sinunod.

Nakipag-ugnayan naman kaagad sa biktima ang MMDA at pinayuhan na ituloy ang kaniyang reklamo laban sa enforcer at ituro upang makilala ito.

Kasama sina MMDA Assistant General Manager for Operations Asec. David Angelo Vargas at MMDA Special Operations Group-Strike Force Officer-in-Charge Gabriel Go, positibong itinuro ng biktima ang traffic enforcer na nangotong sa kaniya.

Mariin namang itinanggi ng traffic enforcer ang akusasyon laban sa kaniya.

Iniutos kaagad ni Vargas na magsagawa ng pagsisiyasat at kung kailangang sampahan ang nasabing enforcer ng kaukulang kaso ay agad nila itong gagawin.

“Pansamantalang magre-report ang nasabing enforcer sa MMDA head office sa Pasig habang isinasagawa ang imbestigasyon,” ayon pa kay vargas.

Sinabi pa ni Vargas na hindi niya pahihintulutan ang anumang gawain na taliwas sa kanilang tungkulin at hinimok ang publiko na agad na isumbong sa MMDA ang anumang alam nilang anomalya na kinasasangkutan ng kanilang mga tauhan.

“Maliban sa social media accounts ng MMDA, maaari rin kayong tumawag sa hotline 136 upang i-report sa amin ang mga ilegal na gawain ng aming mga tauhan,” pagtatapos ni Vargas.

About Author

Show comments

Exit mobile version