Mandaluyong public learners, panalo sa ipinamahaging 1,000 Smart-LED TVs

0
141
Karagdagang 1,000 Smart-LED TV ang ipinamahagi ng Mandaluyong City LGU sa Schools Division Office ng lungsod. (Photo: Mandaluyong PIO)

PANALO na naman ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ng Mandaluyong sa ipinamahaging 1,000 Smart-LED TVs na proyekto ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Mayor Ben Abalos, karagdagan ito sa nauna nang naipamahagi na 578 taong 2022 sa kasagsagan ng pandemya sa ilalim ng panunungkulan ni Mayor at ngayo’y Vice Mayor Menchie Abalos.

Layunin ng proyektong ito na maging moderno na o high-tech ang edukasyon sa pampublikong mga eskuwelahan sa lungsod bilang pagtalima sa isinusulong na “Matatag Agenda” ng Department of Education (DepEd).

Bawat silid aralan sa mga pampublikong paaralan sa Mandaluyong ngayon ay mayroon nang magagamit na Smart-LED TV.

“Lumalabas na lahat ng 1,578 silid-aralan sa buong Schools Division Office (SDO) ng Mandaluyong City ay may sarili ng Smart-LED TV dahil yon din ang bilang ng classrooms sa buong SDO,” ang pahayag ni Vice Mayor Menchie.

BASAHIN  Clemency para sa OFW na nasa death row sa Indonesia, hiniling

Tiniyak naman ni Mayor Ben na kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong sa layunin ng DepEd na paigtingin pa ang sistema ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan.

Nagpasalamat naman ang Mandaluyong SDO dahil anila, ang paggamit ng mga Smart-LED TV ay makatutulong sa iba’t ibang aspeto sa pag-aaral ng mga estudyante pati na rin sa makabago at mas epektibong pagtuturo ng mga guro.

Sinabi pa ni Mayor Abalos na nais niyang mapanatili ang pagiging number 1 ng SDO Mandaluyong sa buong bansa kaya’t patuloy ang pamahalaang lungsod sa paglaan ng mga makabagong kagamitan sa pagtuturo.

“Wala ako sa kinatatayuan ko ngayon kung hindi dahil sa edukasyon. Kaya’t ibinabalik ko ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila (SDO) ng lahat ng paraan upang ang lahat ng ating mga bata ay madaling matuto at makatapos nang maayos,” ayon pa kay Mayor Ben.

BASAHIN  Bawas-pensyon ng MUP, dapat sa mga bago lang – Jinggoy

About Author