KASADO na sa Mandaluyong City ang ipinatutupad na single ticketing system (STS) na ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kasama ang Land Transportation Office (LTO).
Lumagda na sa isang kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong kasama ang dalawang ahensya kaugnay sa agarang pagpapatupad ng STS kasabay ng iba pang naunang mga lungsod.
Pinangunahan ni Mayor Ben Abalos ang nasabing pirmahan kasama sina Vice Mayor Menchie Abalos, MMDA General Manager Procopio Lipana, Assistant General Manager David Angelo Vargas, at Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.
Kasabay nito, ibinida rin ni Mayor Ben ang 100 body-worn cameras na binili ng pamahalaang lungsod at ipinamahagi sa mga traffic enforcers.
Ang mga nasabing camera ay gagamitin kasama ang ticketing devices para sa transparent na pagpapatupad ng STS sa Mandaluyong City.
Ayon kay Mayor Abalos, ang mga ticketing device at body camera ay makatutulong na mapadali ang proseso sa paghuli ng mga lumalabag sa batas trapiko.
Dahil sa STS, magkakaparehas na ang multa ng mga lungsod dito sa NCR hindi katulad ng dati na iba iba at nakakalito hindi lamang sa uri ng mga paglabag kundi ganun din sa halaga ng multa.