Dismayado ang pamilya ni Jemboy Baltazar sa naging desisyon ng Navotas Regional Trial Court Branch 286 laban sa anim na pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17-anyos na binatilyo.
Ito’y matapos isa lamang sa mga ito ang nahatulan ng homicide, apat ang hinatulan ng illegal discharge of firearms, habang abswelto naman ang isa pang pulis.
Iginiit ni Rodaliza Baltazar, ina ni Jemboy, na parang hindi napatay ang kanyang anak dahil tila walang kinahinatnan ang kanilang pagsigaw ng hustisya.
Napakagaan din aniya ng apat na taong pagkakakulong sa pangunahing suspek na si dating Police Staff Sergeant Gerry Maliban.
Sinabi pa ng ina ng biktima na tila pusa lamang o aso ang naging turing sa kanyang anak matapos ang desisyon ng hukuman, at isinantabi lamang ang mga pangarap nito sa buhay.
Noong Agosto 2, 2023, nang mapatay si Jemboy matapos mapagkamalang suspek sa ikinasang police operation sa Barangay NBBS Kaunlaran sa Navotas city.