Querubin: Saloobing mapaghiganti, itigil na

0
Si retired Marine Colonel Ariel Querubin habang sinasagot ang mga katanungan mula sa mga mamamahayag sa ginanap na “The Agenda” media forum sa Club Filipino sa San Juan City.

ITO ang naging mensahe ng retiradong Marine Colonel na si Ariel Querubin kaugnay sa pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.

Nanawagan pa si Querubin hindi lamang para doon sa mga patuloy na naniniwala sa magandang resulta ang naidulot ng rebolusyon kundi pati na rin sa mga lider pulitikal sa ating bansa.

”38 taon na ang nakalipas, may nagbago ba? Ibabalik ko ang tanong sa inyo. Nakikita ko na hanggang ngayon naririyan pa rin ang mga kumakalaban sa estado,” paghihinagpis ng retiradong Marine colonel sa harap ng mga mamamahayag sa “The Agenda” media forum sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.

Giit pa ni Querubin na marami ng reporma ang ipinatupad ngunit hindi pa rin tumitigil ang ugaling mapaghiganti ng mga Filipino sa kabila nang iisa lamang ang maituturing na kalaban: ang mga teroristang grupo at ang pang-aapi na ginawa ng Trina sa ating mga puwersa sa West Philippine Sea o WPS.

”Isa ako sa mga pasimuno sa nangyaring pag-aalsa ng mga sundalo laban sa gobyerno sa panahon ng dating presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo. Ibinulgar namin ang mga kalokohan at korapsyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP),” ayon pa kay Querubin.

Idinagdag pa niya:”Mula noon ay naging propesyunal na ang AFP at mataas na ang approval ratings ng AFP ngayon,” pagsisiwalat pa ni Querubin.

Ito na aniya ang panahon na isantabi na ang mga di-pagkakaunawaan at tumayong sama-sama lalo na sa kamakailan lamang na pag-atake ng mga terorista sa puwersa ng pamahalaan.

Matatandaan na anim na mga sundalo ang brutal na pinaslang nitong nakaraang Linggo sa Lanao del Norte sa isang pursuit operations laban sa mga sangkot sa pambo-bomba sa Mindanao State University noong Disyembre 3, 2023.

Dismayado rin umano si Querubin dahil kahit sino aniya ang pumalit na presidente, naririyan pa rin ang saloobing mapaghiganti laban sa pinalitang administrasyon.

’Hindi pa rin nawawala ang kultura ng paghihiganti. Kilala ako bilang isang mandirigma. Ngayon, kilala na ako bilang isang ‘man of peace.’ No matter who becomes President, there is vindictiveness,” dagdag pa ni Querubin.

About Author

Show comments

Exit mobile version