DAPAT bayaran ang mga biktima ng maling pag-aresto at pagkulong dahil sa “mistaken identity.”
Ito ang isinusulong ni Sen. Robin Padilla sa kanyang Senate Bill No.2547 o “Mohammad Said Act.”
Ipinunto ni Padilla ang kaso ni Mohammad Maca-antal Said, 62, na biktima ng maling pagkaaresto noong 2023 dahil sa mistaken identity. Pinalaya si Said nitong Pebrero 7.
Nais niyang amyendahan ang Section 4 ng RA 7309 para itaas ang kompensasyon para sa biktima ng unjust imprisonment or detention, na hindi bababa sa ₱10,000 kada buwan nang pagkakulong.
“This representation proposes to ensure that any person unjustly detained or deprived of liberty due to mistaken identity shall be compensated based on the period of imprisonment or detention,” ani Padilla.
Dagdag niya, inirekomenda rin ng panukalang batas—na isang pag-revisit sa RA No. 7309 o “An Act Creating a Board of Claims under the Department of Justice for Victims of Unjust Imprisonment or Detention and Victims of Violent Crimes and for Other Purposes”—ang mas mataas na pagbayad mula sa Board of Claims.
Aniya, bagama’t sinisikap ng Estado na ipatupad ang Sec. 1, Art. III ng 1987
Constitution na tumitiyak sa karapatan sa buhay at kalayaan ng bawa’t Pilipino, nariyan pa rin ang pagkakamali sa pag-aresto at pagkulong, sinadya man o hindi, aniya pa.
Ipinunto ni Padilla ang isang report ng ABS-CBN News noong 2015 kung saan hindi bababa sa 51 ang naitalang “wrongful arrests”.
Mismong Korte Suprema ang nagsabi na hindi legal ang pagkulong ng isang tao dahil sa mistaken identity.
Sa kanyang panukalang batas, nais ni Padilla na amyendahan ang Section 3 ng RA 7309, na isama ang “any person unjustly detained or deprived of liberty due to mistaken identity” sa mga maaaring mag-file para sa claims.