PLANO ng isang transport cooperative sa Lungsod Quezon na isoli na sa Land Bank ang 30 modern jeepneys na kanilang hinuhulugang ng ₱1 milyon bawat buwan.
Ito ay dahil wala nang sumasakay sa ruta nila sa lungsod dahil sa hindi makatwirang kompetisyon ng “libreng sakay program” ng Quezon City government.
Sa isang interview sa TV-5, sinabi ng isang opisyal ng transport cooperative, “Kinausap ko na ang LandBank dahil sa kung patuloy na malulugi, hindi na namin kakayanin.”
Samantala, ilan sa units ng Exodus Transport Cooperative (ETC) na may byaheng Novaliches-Monomento ang nakatengga na lamang dahil walang sumasakay.
Sinabi ni Rosalyn Sakdalan, chair, ETC, “Minsan nakasakay na sa amin ang pasahero eh, ‘tapos ‘pag nandun ang libreng sakay [ng Q.C. government] ay bumababa po ang pasahero. Napakasakit po sa amin noon, para kaming ninakakawan sa sarili naming tahanan.”
Ayon sa datos, dati ay siyam lamang ang bus na QC LGU na nag-aalok ng libreng sakay para sa pandemic health workers, ngayon, lomobo na ito sa 90 units, sa siyam na ruta.
Sinabi naman ng isang legal researcher na dapat kwestyonin sa Korte Suprema — ng apektadong transport coops — ang legalidad ng Libreng Sakay Ordinance dahil sa tuwirang paglabag sa karapatang mabuhay ang unfair competition. Kinilala ng United Nations ang lehitimong paghahanap-buhay bilang “right to life”.