Nakumpiska ng mga miyembro ng Northern Police District (NPD) ang mahigit ₱2.5 milyon halaga ng shabu mula sa tatlong suspek sa dalawang buy-bust operations sa Caloocan City.
Kinilala ng Caloocan City Police Station ang unang naarestong suspek na si alyas “Jun-Jun”, 43-anyos, residente ng 6th Avenue, 3rd St., Grace Park.
Isang entrapment operation ang ikinasa ng mga otoridad laban sa suspek bandang alas-9:08 ng gabi noong Pebrero 5.
Nakuha mula kay alyas “Jun-Jun”, ang nasa 310 gramo ng shabu na may standard drug price value na ₱2,108,000, buy bust money, itim na bag, plastic envelope at isang motorsiklo.
Sa isa pang operasyon na isinagawa ng mga otoridad noong Pebrero 6 sa 1st Avenue, Barangay 120, naaresto naman ang mga suspek na sina alyas “Wakwak,” 59-anyos, at alyas “Jeff,” 28-anyos, kapwa residente ng lungsod.
Narekober sa mga ito ang 72.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱492,320, at ang marked money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.