ITIGIL NA!
Ganito ang pananaw ni Senador Christopher “Bong” Go sa plano ng Kamara na
rebisahin ang 1987 Constitution, sa harap ng mga reklamong anomalya sa People’s
Initiative (PI) na diumano’y iniuugnay sa liderato nito.
“Huwag nating pilitin ang isang pekeng PI para sa interes ng iilan. Kung proseso pa
lang ng pagkuha ng pirma ay may halong panlilinlang na po, hindi pinaiintindi, marahil
hindi po ito ang tamang panahon at paraan para rebisahin ang ating Konstitusyon,”
pahayag ni Go sa isang pagdinig sa Davao City.
Idiniin ni Go na anomang pagbabago sa Konstitusyon ay dapat nagmumula sa mga tao
at hindi sa mga pulitiko, at tanging ang kagustuhan lamang ng mga tao ang
masusunod, na pagpapabuti sa kapakanan ng mga Pilipino.
Totoo raw na peke ang PI na lumabas kamakailan, base sa testimonya ng panunuhol
kapalit ng pirma o benepisyo para sa ilang programa ng gobyerno para sa mga
mahihirap.
“Dapat po managot ang involved sa suhulang ito kaya nga po tayo nandirito. Huwag
pagsamantalahan ang mga kababayan nating mahihirap para linlangin sila at makuha
ang kanilang pirma para sa isang PI na hindi naman lubos na napag-aralan at
napaintindi sa tao. Naghihirap na ang mga kababayan natin pinagsasamantalahan pa,”
pagdiriin ni Go.
Samantala, pinangungunahan ni Sen. Imee Marcos ang imbestigasyon ng suhulan,
panlilinlang, pati na iba pang mga aktibidad na labag sa batas may kinalaman sa
isinusulong na PI.
Ayon sa isang political analyst, hindi pag-amyenda ang balak ng mga kongresista kundi
pagbabago o revision ng 1987 Constitution dahil gusto nilang baguhin ang anyo ng
ating gobyerno mula sa Presidental tungo sa Parliamentary.