“MR. PRESIDENT [Ferdinand Marcos Jr.], baka sumunod ka sa dinaanan ng tatay mo…
Lalabas ka ng Malacañang, kagaya ng panahon na pinalayas kayo!”
Ito ang mariing babala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa isang anti-Charter change rally sa Davao City nitong Linggo, na dinaluhan ng marami niyang taga-suporta.
Sinabi ng dating Pangulo na nagpaplano ang mga kaalyado ni Marcos na amyendahan ang Konstitusyon para alisin ang kanilang term limits pati na lahat ng halal na pulitiko.
Pumabor dito ang isang negosyante sa Quezon City na nagsabing gusto raw ni Pangulong Marcos na gayahin ang kanyang ama — si Ferdinand Sr. — na maupo sa hangga’t gusto niya, pero pinatalsik ng People Power.
Ayon kay Duterte, “Pumapasok kayo ng alanganin Mr. President, baka susunod ka sa
dinaanan ng tatay mo. Diyan ako takot, ayaw kong mangyari sa ‘yo ‘yan… Nagmamakaawa ako [na itigil na ang pagkilos para sa Charter change]. It will divide the nation, at madugo itong panahon na ito ‘pag pinilit mo ito.”
Inakusahan di ni Duterte ang mga kongresista sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez na sinusuhulan ang mga lokal na opisyal para maamyendahan ang 1987 Constitution, at alisin ang term limits ng mga nakaupo para manatili sila sa
kapangyarihan.
Ikinaila ito ni Romualdez, sinabi niyang ang mga pagbabawal lamang sa foreign investments ang babaguhin.
Matatandaang ang 1987 Constitution, na naglagay ng term limits sa lahat ng lokal at
nasyonal na opisyal ay ginawa matapos mapatalsik si Ferdinand Marcos Sr. sa Malacañang sa People Power I noong February 1986.
Samantala, pinagre-resign ni dating Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte si
Pangulong Marcos “kung hindi niya mahal ang Pilipinas”.