Tinupok ng apoy ang isang bodega ng mga piyesa ng motorsiklo kamakalawa ng madaling araw sa Caloocan City.
Batay sa ulat ng Caloocan City Fire Department, sumiklab ang sunog bandang 1:00 ng madaling araw sa loob ng opisina ng bodegang pag-aari ng isang Alberto Uy sa 320 A. Poblacion, A. Mabini Brgy. 19.
Una umanong nakarinig ng mahinang pagsabog ang caretaker ng bodega na si Kimberly Emilio at nang silipin niya ay malaki na ang apoy.
Umabot sa unang alarma ang sunog at tuluyan nang naapula ang sunog bandang 2:39 ng madaling araw.
Wala namang napaulat na nasawi o nasugatan sa insidente, ngunit tinatayang aabot sa ₱2 milyon ang halaga ng ari-ariang napinsala sa sunog.
Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng sunog.