Tuloy ang pasok sa mga paaralan at trabaho sa San Juan City sa Lunes sa kabilang ng bantang tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON.
Tiniyak ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na hindi maaapektuhan ang lungsod ng isasagawang transport strike at magbibigay din ng libreng sakay ang lokal na pamahalaan sa mga commuter.
Sinabi naman ng MMC President na nasa kamay na ng local government units kung magsususpinde ng klase sa kanilang mga lugar.
Una nang sinabi ng grupong PISTON na layon ng kanilang tigil-pasada sa Lunes na tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle sa December 31.
Matatandaang nagsagawa rin ng transport strike ang grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers o MANIBELA noong Oktubre.