Parurusahan ang ayaw mag-serve ng half rice

0

PAPATAWAN ng parusa ang mga may-ari ng restaurant, fastfood chain, karinderia, at iba pang
establisyemento na ayaw mag-serve ng half rice sa kanilang menu.


Ito ang buod ng House Bill (HB) No. 9510 o ang Anti-Rice Wastage Act na inihain ni Quezon
4D Congressman Keith Micah Tan.


Orihinal na inihain ng noo’y Senador at ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pero hindi
naging batas. Isinulong naman ito ni Gobernador Helen Tan ng Quezon, noong siya ay
kongresista pa.


Ang panukalang batas ay naglalayong mabawasan ang nasasayang na kanin sa mga
karenderia, commissary, restaurant, cafeteria, lunchroom, fast food, at iba pang katulad na
kainan.


“Hindi naman po natin pagbabawalan ang “unli rice” o paparusahan ‘yun hindi makakaubos ng
kanin sa kanilang buffet. Ang nais lang po natin ay makatulong upang hindi maaksaya ang bigas
na itinuturing natin na ginto at upang bigyang pansin ang kapakanan ng ating mga magsasaka
at isulong na rin ang kalusugan ng bawat mamamayan,” paliwanag ni Tan.


Kapag hindi inilagay sa menu ang half rice o kaya’y ayaw i-serve, pagmumultahin ng P5,000
ang lalabag sa unang pagkakataon, P10,000 sa ikalawa, at P20,000 sa ikatlo at susunod pang
paglabag, kasali na ang suspensyon ng business permit sa loob ng 30 araw o higit pa.


Idiniin ng House Assistant Majority leader, na ang kanyang panukalang batas ay tugon sa
panawagan ng Agriculture Department sa lahat ng food-serving businesses na ilagay ang half
cup rice sa kanilang menu.

About Author

Show comments

Exit mobile version