Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 27-anyos na Malaysian national matapos ang tangkang ilusot ang illegal drugs na nagkakahalaga ng P25.3-M sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nakilalaang suspek na si Mohammad Ahtsham Bin Mohammad Afzal, na dumating sa bansa sakay ng Ethiopian Airline Flight ET644 mula sa Addis Ababa, Ethiopia na mula naman sa Antananarivo, Madagascar via Ethiopian Airline Flight ET852.
Inaresto si Afzal matapos ang naganap na “interdiction operation” sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City bandang 9:20 Huwebes ng gabi.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang improvised pouches na naglalaman ng 3,722 gramo ng shabu na may estimated street value na P25,309,600; isang black luggage na may tape-bundled clothes; Malaysian passport; Malaysian national ID card; at cellphone.
Dumaan ang mga nakumpiskang ebidensya sa seizure and forfeiture proceedings habang kinasuhan ang suspek sa pagalabag sa Republic Act (RA) 9165, o Comprehensive Drug Act of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act.