IPINATAWAG ng Land Transportation Office (LTO) ang dating empleyado nito matapos masangkot sa road rage sa Bulacan.
Ito ay nangyari nitong kamakalawa.
Nakita sa nag-viral na video na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang isang delivery rider at isang lalaki na kalauna’y kinilala na si Gregorio Glean, dating job-order employee ng LTO sa Region III.
Inagaw diumano ni Glean ang cellphone ng biktima at ibinato, matapos ang hindi pagkakaunawaan.
Sinabi ni LTO Chief Asst. Secretary Vigor Mendoza II na nagpadala na ng summon kay Glean para
magpaliwanag sa central office, ngayong linggo, bilang bahagi ng imbestigasyon.
Ayon pa kay Mendoza, “I expect him to honor the summon. Failure to do so means that he is waiving his right for all the measures that we would take against him not only as a driver’s license holder, but also (as) a former LTO personnel who is supposed to be a model of courtesy and discipline on the road.”
Idiniin ni Mendoza na hindi na dapat pang kunin si Glean bilang empleyado sa kahit na saang sangay ng LTO.
Tiniyak ng LTO chief na magkakaroon ng due process kung tungkol sa pagdinig sa kaso ni Glean, pati na ang kanyang lisensya at rehistro ng sasakyan.
“Hindi natin palalampasin ang ganitong klaseng asal sa daan. Tama lang na natanggal sa LTO ang taong ito dahil hindi ganitong ugali ang inaasahan ng ating mga kababayan sa aming mga taga-LTO,” patatapos ni Mendoza.