GAMIT ang naipon niyang P4,000, isang makinang panahi, at ang
pagnanais na suportahan ang kanyang mga anak, naging matagumpay
ang munting negosyo ng isang biyuda sa Vigan City, Ilocos Sur.
Hindi naging madali ang naging buhay ni Lucila Datuin, 63, nang nasawi
ang kanyang mister noong 2007. Nag-resign siya sa pinapasukang
restoran sa Metro Manila at nagdesisyon na bumalik sa kanyang
lalawigan.
Natutuhan niyang manahi ng mga bag gamit ang “abel Iloco”, isang uri ng
telang Ilocano na gawa sa cotton. Naging katuwang niya sa
paghahanap-buhay araw at gabi ang nabili nyang isang second-hand na
makinang panahi.
“Unang gawa, sabi ng mga kakilala ko, ano ba ‘yang gawa mo tila basura.
aniya. Ang mga negatibo, at minsa’y masasakit na komento ang nagpakilos sa
kanya na pagbutihin ang kanyang trabaho.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Datuin na sa simula, siya lamang
ang nananahi, pero nang dumami ang orders kumuha siya ng mga tauhan
at sinanay silang mabuti. Sa ngayon ay mayroon na siyang 20 kawani.
Magmula noong 2014, lalong lumakas ang kanyang negosyo nang
ideklara ang Vigan City na isa sa pitong New Wonder Cities of the
World.
Naging isang malaking hamon ang pandemic magmula noong 2020, kaya
napilitan silang magtinda ng karne ng manok at bedsheets para kumita.
Nagpapasalamat si Datuin sa Diyos at napag-aral niya ang lahat ng
kanyang mga anak, nakabili ng ari-arian, at nakapagsimula ng iba pang
mga negosyo, na nakatulong hindi lamang sa kanyang pamilya kundi
maging sa mga residente sa kanilang lugar.