PANSAMANTALANG nakalaya ang aktres-komedyante na si Awra Briguela matapos
makapag-piyansa ng P6,000. Ito ay dahil sa rambulan na naganap sa isang bar sa
Poblacion, Lungsod ng Makati noong nakaraang linggo.
Si Briguela ay nakakulong sa Makati Custodial Jail magmula noong Huwebes nang
madaling-araw hanggang Sabado matapos magreklamo si Mark Christian Ravana, isang
customer ng Bolt Hole Bar na kung saan naganap ang insidente.
Si Briguela, na Mcneal Briguela ang tunay na pangalan ay inakusahan ni Ravana na
siyang nagpasimula nang pag-aaway na siyang humantong sa rumble.
Pinabulaanan ni Zyla Nakajima – isang content creator at kaibigan ni Briguela – ang
reklamo ni Ravana. Sinabi ni Nakajima na si Ravana ang nagpasimula ng gulo dahil sa
pangmomolestiya nito.
Sinampahan ng Southern Police District (SPD) ng kasong physical injuries, alarm and
scandal, disobedience to authority at direct assault ang aktres-komedyante noong
Biyernes, Hunyo 30. Siya ay nakalaya noong Hulyo 1, dalawang araw matapos siyang
hulihin ng mga pulis.
Ayon sa ilang netizens, dapat lahat daw na sangkot sa kaso ay dinala sa prisinto at
inimbistigahan o ikinulong. Nagtataka sila kung bakit si Briguela lang ang ikinulong. Hindi
raw dapat may kinikilingan ang mga pulis.
Naging viral sa social media ang insidente matapos itong mai-post kamakailan.