NILAGDAAN na kahapon, Abril 13, 2023, ang memorandum of agreement (MOA) gayundin ang data sharing agreement (DSA) sa pagitan ng 17 local government units (LGU) ng Metro Manila at Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa single ticketing system na ipapatupad sa Mayo 2.
Bago nito, nauna nang inaprubahan ng 17 alkalde ng National Capital Region (NCR) ang Metro Manila Traffic Code na naglalayong pare-parehong multa ang ipapataw sa iba’t ibang paglabag ng mga motorist.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, isang makasaysayan ang nasabing MOA dahil umabot pa sa 28 taon bago maisagawa ang matagal na sanang naipatupad na programa.
“Isasagawa muna natin ang pilot testing sa 7 LGUs. Ito ay sa San Juan City, Muntinlupa City, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City, Lungsod ng Maynila, at Caloocan City,” sabi ni Artes.
Maglalaan ang MMDA ng mga handheld devices sa mga traffic enforcers kung saan ipapatupad nila ang cashless na uri ng pagbabayad sa mga paglabag ng mga motorista.
Mababawasan din aniya ang korapsyon at maiwasan ang anumang hindi opisyal na usapan sa pagitan ng motorist at traffic aide na kadalasang nauuwi sa ‘lagay’ o ‘pangongotong.’
Pinasalamatan naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na tumatayong Metro Manila Council President ang kaniyang mga kapuwa alkalde sa pakikibahagi sa nasabing makasaysayang paglagda.
“Ipinapakita lamang na buo ang suporta ng mga alkalde dahil sabay-sabay kaming gumawa ng pag-amyenda sa kani-kaniyang traffic ordinances upang gumawa ng unified traffic code sa Metro Manila,” ang pahayag ni Zamora.
Ang ipapatupad na single ticketing system ay magiging kasuwato sa kasalukuyang umiiral na mga batas sa trapiko kapuwa lokal at nasyonal lakip na ang mga parusa at multa sa bawat mga paglabag na nakapaloob sa Metro Manila Traffic Code.
Layon nito na magtatag ng epektibong pangangasiwa at pinag-isang paraan at patakaran, pagbabayad ng multa, pagtubos sa mga palaka ng sasakyan at driver’s license sa Kalakhang Maynila.