Suspek sa pamamaril sa Germany, dating Saksi; isyu sa katinuan, tinitingnan ng mga otoridad

0
Kung ikukumpara sa ibang mga kahalintulad na mga pangyayari sa ibang bansa, hindi kinakitaan na may isyung politikal ang nasabing pamamaril.

ISINIWALAT ng mga otoridad sa Hamburg, Germany sa isang press conference na ang suspek sa pamamaril Huwebes ng gabi noong Marso 9 (Marso 10 sa Pilipinas), ay isang dating miyembro ng mga Saksi ni Jehova.

Kinilala ang suspek sa pangalang Philipp F, isang 35-anyos na di-umanoy boluntaryong umalis sa nasabing relihiyon.

Sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova, walang pamimilit ang pagpasok dito kaya gayundin, kung nais ng isa na umalis ay magagawa rin ito nang boluntaryo.

Ayon kay Ralf Martin Meyer, Chief of Police ng Hamburg, na isa sa tinitingnan nilang anggulo ay ang may kaugnayan sa katinuan ng pag-iisip nito lalo pa’t kinitil din nito ang sariling buhay matapos ang insidente.

Sinabi pa ng German Police na apat na lalaki, dalawang babae at isang sanggol na nasa sinapupunan pa ang namatay ngunit nakaligtas ang ina nito kaya lumalabas na 8 ang kabuuang namatay kasama na ang suspek.

Karagdagan pa, walong katao ang sugatan at 4 sa mga ito ay nasa kritikal na kalagayan kung saan 6 ang babae at 2 lalaki; 6 ang German national, ang isa ay mula Uganda at ang isa ay galing naman sa Ukraine.

Kung ikukumpara sa ibang mga kahalintulad na mga pangyayari sa ibang bansa, hindi kinakitaan na may isyung politikal ang nasabing pamamaril.

Idinagdag pa ni Meyer na legal na nakakuha ang suspek ng isang semi-automatic pistol noon pang Disyembre 2022, at sa nasabing pamamaril, 9 na magasin ng bala ang naubos nito.

Pinag-uusapan na rin ngayon ang isyu tungkol sa mga pamantayan kung papaano pa mapasulong ang batas kaugnay sa pagmamay-ari ng isa ng isang baril.

Nalulungkot naman si Dorte Miebach, nakatira hindi kalayuan sa nasabing house of worship, at sinabing hindi sila halos makapaniwala dahil nakikita nila ang mga Saksi [ni Jehova] na mga mababait na tao na umuukupa ng isang gusali sa pagsamba sa kanilang komunidad.

Ang Kingdom Hall ay ang tawag sa house of worship o “simbahan” ng mga Saksi ni Jehova. Ang pulong ng mga Saksi ay nahahati sa dalawa: isang Midweek Meeting alinman mula Lunes hanggang Biyernes at isang Weekend Meeting, alinman sa araw ng Sabado o Linggo.

Ngunit ayon sa mga otoridad, kapansin-pansin di-umano na isang gabi bago ang insidente, nag-online pa ang suspek at nagbigay ng mensahe tungkol sa isang aklat na kaniyang isinusulat at ikinukumpara ito sa banal na aklat ng Islam, ang Koran.

Pagkatapos nito, pumunta siya sa “simbahan” ng mga Saksi pagkatapos ng isang religious meeting at nangyari ang nasabing lansakang pamamaril sa mga dati nitong “kapatid sa pananampalataya” na hindi sang-ayon sa kaniyang bagong pinaniniwalaan.

Ang mga Saksi ni Jehova ay isang internasyonal na relihiyosong organisasyon na may nga ‘branches’ sa ibat ibang bansa.

Ang kanilang kabuuang bilang ay umabot na sa 8.7 milyon miyembro at ang kanilang internasyunal na punong tanggapan ay nasa Warwick sa New York.

Nasa 170,491 Saksi ang nasa Germany at may 238,609 naman dito sa Pilipinas.

About Author

Show comments

Exit mobile version