HULI ang isa pang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na wanted sa pangi-ngidnap at pamumugot ng ulo sa 2 sa anim na miyembro ng mga Saksi ni Jehova sa Patikul, Sulu noong 2002.
Ito ang inihayag ngayong araw ng bagong talaga na hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Major General Edgar Allan Okubo sa kaniyang report kay Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin, Jr.
Ayon sa police report, nabulaga si Muktar Yusop Maani alias ‘Benjamin/Pa Gari,’ ng arestuhin ito ng mga pulis sa pinagtataguan nito sa ikatlong palapag ng Rosaria Apartment, sa kahabaan ng De Guzman Street, Brgy 393 sa Quiapo, Manila dakong alas-350 Huwebes ng madaling araw.
Si Maani ay isa sa mga most wanted na miyembro ng kilabot na ASG na may kasong six counts ng kidnapping-for-ransom at serious illegal detention.
Mula Zamboanga City, napadpad Noong Agosto 20, 2002 ang 6 na mga Saksi ni Jehova sa mga suki nila sa Sulu dala ang kanilang mga panindang beauty at lingerie products nang sapilitan silang kinuha ng ASG at pinugutan ang dalawa sa mga ito kalaunan.
Namayagpag ang nasabing ASG noong pagpasok ng taong 2000 at tumagal pa ng ilang taon bago tuluyang nabuwag ang grupo.
Sinabi pa ni Okubo na nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Anti-Terrorist Task Group na pinamumunuan ni Police Colonel Romano Cardiño, Manila Police District Station 14 at NCRPO Regional Special Operations Group.
Idinagdag pa ni Okubo na ang 38-anyos na suspek ay tubong Tuburan, Basilan, walang trabaho, at nagtatago sa Metro Manila nang ilabas ni Judge Toribio Ilao Jr. ng Pasig City Regional Trial Court Branch 266 ang warrant of arrest nito noong November 5, 2009.
Sangkot din di-umano si Maani sa mga gawaing gun-for-hire at pinaniniwalaang isa sa mga dumukot sa anim na mga Saksi ni Jehova.
Matatandaan na noong katapusan ng Hulyo 2020, sunod-sunod na inaresto ng National Bureau of Investigation Counter-Terrorism Division (NBI-CTD) sina Ajvier Sabtula,Saudi Sahibul at Adzmi Sabtula na pawang mga miyembro rin ng ASG na kasama ni di-umano ni Muktar Yusop Maani.
Nakilala ang rupo noong kasagsagan ng pandudukot ng mga foreign nationals sa Jolo at Basilan island provinces at nagbabanta na papatayin o pupugutan ng ulo ang biktima kapag hindi ito nakapagbayad ng ransom money.
Naging bantog din ang grupo na nagsagawa ng isa sa pinakamalalang gawain ng terorista nang bombahin nito ang M/V SuperFerry 14 noong 2004 na kumitil ng buhay na umabot sa 116 katao.