HINDI pinagbigyan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang hiling na pakikipag-usap ni Filipino-Chinese businessman Selwyn Lao kaugnay sa kontrobersiyang komprontasyon ng dalawa tungkol sa isyu ng demolisyon sa Barangay Bambang.
Matatandaang nagkaroon ng mainit sagutan sa pagitan ni Mayor Vico at Lao dahil binalak ng negosyante na i-demolish ang lugar sa Barangay Bambang kahit na wala itong permit to operate at magbigay ng go signal sa demolition team kahit na mayroon pang bata sa loob ng mga bahay na idi-demolish.
Ayon sa alkalde, itutuloy ng LGU ang kaso at walang itong balak makipag-usap ng personal sa negosyante.
“Naghahanda na tayo ng criminal at civil cases, meron din tayong mga private complainant,” dagdag pa ni Sotto.
Idinagdag pa ng punong lungsod na kung panunuorin lamang ng buo ang viral video, patung-patong ang mga violations ni Lao.
Matatandaan na umapela ng isang diyalogo si Lao kay Mayor Vico upang mailatag niya ang kanyang panig, ngunit agad naman itong ibinasura ng mayor.
“Puro naman kasinungalingan kasi ang sinasabi, sa video sabi nya six times daw siya lumapit sa city admin para makipag-meeting pero ang totoo zero times siyang lumapit dito. Usapang katotohanan na lang ‘wag na syang marami pang sinasabi,” giit pa ng mayor.
Tugon naman ni Lao, bigyan di-umano siya ng chance na ilatag ang kaniyang panig.
“Bigyan man lang niya ako ng kahit 1-hour and I will show him everything, and kung nagkamali man ako pagsabihan niya ako right there, pipirma ako ng kasulatan na di na ako uulit, kung nagkamali ako,” giit din ng negosyante.