33.4 C
Manila
Saturday, November 23, 2024

‘Pag nasawata ang iligal na sugal, koleksyon ng PCSO tataas pa—Robles

MAS MALAKI pa ang makokolekta ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung tuluyan nang masawata ang namamayagpag pa rin na iba’t ibang iligal na sugal sa bansa.

Ito ang naging pahayag ni PCSO General Manager Mel Robles sa 2024 Government-Owned or Controlled Corporation’s Day na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City kamakailan kung saan kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontribusyon ng ahensya sa kabang-yaman.

Sa taong 2023, umabot sa ₱2,684,933,915.10 ang naiambag ng PCSO sa national treasury bilang dibidendo, mas mataas kumpara sa ₱2,665,701,213.78 noong 2022.

Samantala, kapansin-pansin na umabot sa ₱61.45 bilyon ang kinita ng ahensya noong 2023 na mas mataas ng 7% sa total gaming revenue nito noong 2022 na ₱57.467 bilyon.

“Puspusan ang aming ginagawa para tumaas pa ang revenue nang sa gayon ay makapag-remit kami ng mas malaki pa sa ating kabang-yaman upang magamit ng ating pamahalaan sa iba’t ibang programa nito,” ang pahayag ni Robles.

BASAHIN  P147-M jackpot ng Lotto 6/49 nadale ng Silang, Cavite 

“Ngunit nahahadlangan ang aming mga pagsisikap dahil sa paglipana nitong operator ng mga iligal na sugal kung saan ginagamit nila ang mga larong ipinagbabawal ng PCSO kung kaya malaki ang naging epekto sa dagdag sanang kita ng ahensya,” dagdag pa ni Robles.

Ilan sa mga iligal na sugal na tinutukoy ng ahensya ay ang bookies, jueteng, di-otorisadong small-town lottery draws, at illegal online lotto operations na nagkakait ng serbisyo na mapapakinabangan sana ng mga mahihirap.

Ayon sa pagtantiya, bilyong piso ang nawawala taun-taon dahil sa mga iligal na sugal na napupunta lamang sa mga operator.

Ngunit kumpiyansa si Robles na sa kabila nito, malalagpasan pa ng ahensya ang target nito dahil tutulong mismo ang PCSO sa pagsupil ng mga iligal na sugal at nakikiusap din siya sa publiko na huwag itong tangkilikin.

Batay sa Republic Act 7556, ang mga government-owned and-controlled corporations (GOCCs) tulad ng PCSO ay kailangang makapag-ambag sa kabang-yaman ng 50% ng kanilang kabuuang taunang kita.

BASAHIN  ‘Serbisyo Caravan’ ng PCUP ikakasa sa 6 pang lalawigan kasama ang iba pang ahensya

Sinabi pa ni Robles na bagama’t tinaasan aniya ng 75% ni Finance Secretary Ralph Recto ang kailangang target remittance, handa aniya ang ahensya na maabot ito bilang suporta sa mga programa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

About Author

IBA PANG MGA BALITA

Stay Connected

830,000FansLike
50FollowersFollow
78,000SubscribersSubscribe

KARAGDAGANG MGA BALITA