PORMAL nang sinampahan ng kaso ang 18-anyos na suspek sa kalunos-lunos na pagpatay sa pinsan at nobyo nito sa loob ng Old Cemetery sa Sitio Namay, Brgy. San Juan, Morong noong Linggo ng hapon, Marso 1, 2026.
Ayon kay Provincial Director PCol. Eleazar Barber, dalawang bilang ng kasong murder ang isinampa sa hindi pinangalanang suspek sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office matapos ang isinagawang inquest proceedings.
Kalunos-lunos ang sinapit ni Russel Hernandez, 12-anyos at nobya nitong si Rhea Jane Tayaban, 13-anyos na pinsang buo ng suspek, matapos itong matagpuan na wala nang buhay at tadtad sa tama ng pananaksak.
Binasted umano siya ng babaeng nililigawan, naglasing at pilit na isinama nito ang dalawa sa lumang sementeryo para maglabas ng sama ng loob hanggang sa nagalit ito dahil sa ilang masasakit umano na salita ang binitawan ng dalawang biktima.
Idinagdag pa sa ulat ng pulisya na tumulong pa umano ang suspek sa paghahanap ng mga biktima matapos itong iulat ng mga magulang na hindi pa umuuwi kung saan huling Nakita ang mga ito sa isang computer shop sa Sitio Sagbat.
Inamin nang dakong huli ng suspek ang krimen matapos siyang isumbong ng isang saksi na nakitang nanggaling ito sa pinangyarihan ng krimen na puno ng dugo ang kamay at katawan.
Kinorner na siya ng imbestigador at hindi na nakapalag pa ng arestuhin ito dahil sa mga bakas ng sugat at dugo sa mga kamay.
Kinondena naman ng Rizal PPO ang karumal-dumal na krimen at nakidalamhati sa pamilya ng mga biktim habang pinapaigting pa ang imbestigasyon upang matiyak ang katotohanan.

