ISANG 4 anyos na batang lalaki at isa pang binatilyo ang iniulat na nalunod sa ilog sa magkahiwalay na insidente sa Rodriguez, Rizal, Linggo, Agosto 17, 2025.
Bandang alas-10 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang Tactical Operations Center mula sa Casimiro Ynares Hospital kaugnay sa insidente ng pagkalunod ng isang 4 na taong gulang na batang lalaki.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, bandang alas-11:30 ng umaga nang magkayayaan umano na maliligo ang biktimang si Jude Ethan Solina kasama ang dalawa pang di-pinangalanang kalaro.
Ayon sa nakasaksi, nagtaka umano siya na ang dalawang kalaro na lamang ng biktima ang bumalik matapos maligo ang mga ito sa Wawa River sa Sitio Inigan, Brgy. San Rafael ng nasabing bayan.
Sa paniniwalang nalunod ang biktima, agad na hinanap nila ito at makalipas ang isang oras ay natangpuan nila ang wala nang buhay na katawan ng biktima na agad namang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nagsumite na lamang ng waiver ang pamilya ng biktima na hindi na nila ipapa-autopsy ang katawan at naniniwalang walang naganap na foul play sa nasabing trahedya.
Samantala, isa pang ulat ang natanggap ng Tactical Operation Center bandang alas-8 ng gabi mula naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kaugnay sa insidente ng pagkalunod na nangyari sa isang binatilyo.
Batay sa ulat, namimingwit umano ang hindi pa nakikilalang biktima at bago umuwi ay naligo muna sa Marikina River Spillway, Brgy. San Isidro ng nasabing bayan bandang alas-7 ng gabi.
Sinabi ng mga nakasaksi na tinangay umano ang biktima ng rumaragasang daloy ng ilog at hindi na nito nagawa pang umahon.
Kaagad na nagsagawa ng search, rescue, and retrieval operation ang MDRRMO at narekober ang wala nang buhay na katawan ng biktima at nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan sa mga kalapit na lugar para sa pagkakakilanlan nito.
Nananawagan ngayon ang MDRRMO ng Rodriguez, Rizal na makipag-ugnayan sa kanilang opisina ang sinumang magpakilalang kamag-anak ng biktima.
Tinatayang edad 13 hanggang 18 anyos ang biktima, nasa 5 talampakan ang taas at kayumanggi.



