IBINIDA ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang dalawang patient transport vehicles (PTVs) at mga medical equipment na may kabuuang halaga na ₱26.5 milyon upang palakasin pa ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan ng Aklan.
Pormal na tinanggap ni Aklan Governor Jose Enrique Martin Miraflores ang nasabing medical assistance mula kay PCSO General Manager Melquiades Robles sa ginanap na turnover ceremony kamakailan.
Maliban sa 2 PTVs, nakatanggap din ang Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ng low-temperature plasma sterilizer, fully automated PCR system, apat na ventilators, at isang anesthesia machine.

Sa pahayag ng pasasalamat, sinabi ni Miraflores na dahil sa 2 PTVs, madadagdagan aniya ang kapasidad ng kanilang patient mobility at emergency medical response lalo na sa liblib na mga lugar.
Malaking tulong din aniya sa kanilang ospital ang mga medical equipment partikular na sa pagpapalakas ng diagnostic, surgical, infection control, at critical care capabilities.
Binigyang-diin naman ni Robles na ang medical assistance ng ahensya ay para sa kapakinabangan ng komunidad anuman ang political affiliation ng isa.
“Wala itong halong pulitika. Malinaw ang utos ng Pangulo: hindi dapat pinupulitika ang kalusugan. Iyan ang ipinatutupad namin ngayon,” ang pahayag ni Robles.
“Napaka-importante na may access sa healthcare program ang mga mahihirap nating kababayan. Kahit wala silang kakayahang magbayad, dapat ay nakakatanggap pa rin sila ng serbisyong medikal sa kung ano rin meron ang mga pribadong ospital,” dagdag pa ni Robles.
Maliban sa mga nabanggit, nakatanggap din ang probinsya ng lotto revenues mula sa PCSO na nagkakahalaga ng ₱363,914.26 na sumasaklaw sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2025.
