MAAARI pa ring dumalo sa isasagawang impeachment trial ang sinumang senador na nakakulong dahil sa kinakaharap na mga kaso basta’t ito ay may pahintulot ng korte.
Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson, na miyembro ng minorya, dahil hindi aniya pinahihintulutan ang “work-from-jail” kundi ang mismong pisikal na pagdalo.
Ayon pa sa mambabatas, mas maigi aniya ang pamamaraan na ito kumpara sa balak ng mayorya na baguhin ang rules ng senado para pahintulutan ang online participation o online voting.
“Ang isang paraan ay na hihiling ang Impeachment Court sa Sandiganbayan o anumang korte kung saan ito ang may hawak ng kaso ng isang senador, na payagan ito para ‘mag-leave of court.’
Dagdag pa ni Lacson, “at kung papayagan, pangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pag-hatid sundo upang makibahagi ang isang senador sa pagdinig sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.”
Matatandaan na naging mainit ang usaping ito na nagresulta sa pag-walk out ng minority senators sa plenaryo ng senado nang isulong ni Senador Rodante Marcoleta ang nabinbin niyang resolution.
Ang resolusyon ay na babaguhin at idadagdag sa rules ng senado na papayagan ang online participation ng sinumang miyembro ng senado, ngunit pinalagan ito ng minoyra.
Sa manifestation ni Senador Erwin Tulfo, kaya aniya isinusulong o minamadali ito ng mayorya ay upang magiging pabor kay Senador Ronald dela Rosa na kasalukuyang nagtatago matapos lumabas ang warrant of arrest nito mula sa International Criminal Court (ICC).
