BINIGYAN ng komendasyon ng Civil Service Commission (CSC) ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Marikina dahil sa kahusayan sa pangangasiwa sa mga kawani nito (excellence I human resources management).
Dahil dito nakamit nila ang Maturity Level 2 ng ahensya kaugnay sa Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management o PRIME-HRM.
Ang sertipikasyon ng pagkilala ay tinanggap ni Mayor Marjorie “Maan” Teodoro mula kay Director Dick Echavez ng CSC sa ginanap na flag-raising ceremony ng lungsod nitong Lunes, Mayo 11.
“Ang pagkilalang ito ng Civil Service Commission ay patunay lamang na seryoso kami sa usaping propesyunalismo at naka-sentro sa tao na serbisyo publiko particular na sa mga Marikeño,” ang pahayag ni Teodoro.
Sa ilalim ng PRIME-HRM, binibigyan ng kapangyarihan ang mga ahensya ng pamahalaan kung paano nila patuloy na pasulungin ang kakayahan ng kanilang mga kawani mula sa matataas na opisyal at rank-and-file employees.
Sa Maturity Level 2, naging mahusay ang lokal na pamahalaan pagdating sa Recruitment, Selection and Placement, Performance Management, Learning and Development, at Rewards and Recognition sa ilalim ng PRIME-HRM.
Kaya pinasalamatan ng alkalde ang mga pagsiskap na ginawa ng Human Resources Department kung kaya nakapag-comply sila PRIME-HRM program, at sa kanilang dedikasyon sa pagpapaunlad sa pangangasiwa.
“Sisikapin namin at patuloy na paunlarin pa ang kultura ng pangangalaga sa mga tauhan naming sa loob at labas ng city hall,” dagdag pa ni Teodoro.
