Hinamon ni impeachment endroser Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante ngayon Huwebes si Vice President Sara Z. Duterte na personal na dumalo sa House Committee on Justice para sagution ang mga alegsyon laban sa kanya hindi ang maglabas ng pahayag sa media.
“Ibigay niya ang kanyang paliwanag sa Committee on Justice. Hindi iyung puro propaganda lang siya,” ayon kay Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.
“Ang komite—at ang Senado kung doon ito mauuwi—ang tamang forum para sa kanyang paliwanag. Hindi lamang press release, social media post o press conference ang kanyang dapat gawin. Kung ganyan lang, malinaw na pag-iwas sa responsibilidad at accountability ito,” dagdag nito.
Inilabas ni Abante ang panawagan dalawang araw matapos ang clarificatory hearing na isinagawa ng justice panel hinggil sa impeachment complaints.
Pinunto ni Abante ang mahahalagang ebidensiya na inilatag sa pagdinig kasama na ang testimonya ni Ramil L. Madriaga, nagpakilalang bagman ni Vice President Duterte at dummy umano ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa ilang bank accounts.
Nabanggit din ang final ruling ng Commission on Audit na nag-affirm sa disallowance na P73 milyon sa confidential at intelligence funds (CIFs) ng Department of Education (DepEd) sa panahong kalihim ito ng DepEd.
Sinuri din sa pagdinig ang findings ng National Bureau of Investigation–Questioned Documents Division (NBI-QDD), kung saan natuklasan ang magkakaparehing sulat kamay at pirma sa acknowledgment receipts ng CIF recipients.
Sa panig ni Abante, ang ulat na ito ay mabigat dahil, “Sa batas, may presumption of regularity ang mga ahensya ng gobyerno—ibig sabihin, inaasahang maayos ang kanilang ginawa at walang halong politika,” aniya.
Ayon pa sa kongresista ang findings ay natukoy ang iregularidad sa paggastos ng P125 milyon ng CIF na ibinigay sa DepEd. “Ang final disallowance, malinaw: hindi pinayagan ang paggastos ng P73 million dahil kaduda-duda at walang sapat na dokumento,” paliwanag niya. (KARLO GARCIA)
