GAMIT ang mga kuha sa CCTV, nakakuha ng screengrab ang BRABO News sa ilang mga ipinadalang reklamo sa iba’t ibang social media group kung saan nagpapatulong ang mga netizen, karaniwan na mga ‘cash-in cash-out outlet, upang matukoy, madakip at lumiit ang mundo ng mga scammer na ito.
Ayon sa mga outlet, lalabas na error kapag ipinasok mo ang mobile number sa GCash app at kaagad silang magsa-suggest na idaan na lamang sa QR code, na karaniwan nang mas ligtas gamitin kumpara sa mobile number.
Dahil sa hindi alerto ang ilan sa kanilang mga kasamahan sa tindahan, ang QR code pala na ibinigay ng scammer ay karaniwan nang payment option sa Lazada na inakala ng tindera na legit, ‘yon pala, pipindutin na ng scammer at uubusin ang laman ng GCash outlet para pambayad sa kung anu-anong items sa online shopping.
Sa kaugnay na balita, umabot sa 3,200 merchants ang nai-block na ng GCash, karaniwan nang nauugnay sa ilegal na sugal, at iba pang lehitimong partner na ginagamit ng mga sammer gamit ang national QR code.
Inabuso umano ng mga merchant partners na ito ang unified QR system ng bansa sa pamamagitan ng hindi wastong paggamit ng QRPh na pinangangasiwaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Pumapayag umano ang mga merchants na ito na i-divert ang traffic sa mga malisyosong websites o kaya’y nagbibigay sila ng pahintulot na i-redirect ang mga konsyumer sa mga delikadong gawain lakip na ang ilegal na sugal.
Ayon kay Miguel Geronilla, chief information and security officer ng G-Xchange, operator ng GCash, nakikipagtulungan na umano sila sa mga otoridad upang higpitan pa ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga users.
Kasama na rin umano rito ang pagpapasara sa mga merchant partners na direktang nagpapagamit sa mga malisyosong gawain ng mga scammer.
Sinabi pa ni Geronilla na natuklasan din nila na maliban sa pagpayag na gamitin sa ilegal na gawain, ang ilan umano ay tahasan pang gumagawa ng pekeng payment pages na ginagaya ang mga lehitimong negosyo para kumbinsihin ang mga konsyumer na ipagkatiwala sa kanila ang pera.
