Home Provincial Nieto sumailalim sa ikalawang operasyon sa puso

Nieto sumailalim sa ikalawang operasyon sa puso

0
Nieto sumailalim sa ikalawang operasyon sa puso (File Photo)

SUMAILALIM muli sa ikalawang pagkakataon si Cainta Mayor Kit Nieto para operahan sa puso matapos itong isalang sa unang operasyon maaga nitong taon.

Ang nasabing operasyon ay isinagawa nitong Abril 6 kung saan tinutukan naman ang kanang bahagi ng kaniyang puso, ayon sa social media post ng alkalde.

“Maaga akong nagising kaninang umaga at nangako ako sa aking doctor na babalik ako Lunes para sa ikalawang medical procedure. Ngayon naman ay sa kanan ng aking puso,” ang pahayag ni Nieto.

Ayon pa sa punong bayan, ipinakita rin umano niya sa kaniyang doktor ang mga larawan kung saan sumali siya sa prusisyon noong Biyernes Santo bago ang nakatakdang operasyon.

“Dok, nangako ako, at sanay na ang mga tao na makita akong kasama nila. Ngunit handa na ako ngayon, ituloy na natin,” dagdag pa ni Nieto.

Sinabi ng alkalde na tumagal ng halos dalawang oras ang nasabing operasyon.

“Ginising nila ako at dinala sa recovery room. Pumasok ang doktor ko at ipinakita sa akin ang bara sa kanang bahagi ng aking puso. Ang isa ay may nakalagay na 90% barado, samantalang ang dalawang iba pa ay may nakalagay na 50% barado,” sabi pa ni Nieto.

Idinagdag pa ni Nieto na pinayagan naman siya ng kaniyang doktor na makalabas agad, at nirisetahan ito ng mga kinakailangang mga gamot kasama na ang blood thinners.

Matatandaan n anito lamang Enero ay sumailalim sa unang operasyon ang alkalde matapos makita sa kaniyang angiogram na maraming ugat sa kaniyang puso ang barado na.

Exit mobile version