Konsehal ng Pasig na pamangkin ni Romulo, hindi tatakbo dahil sa anti-dynasty law

UMANI ng papuri mula sa mga kapuwa konsehal ang pamangkin ni Pasig City Lone District Representative Roman Romulo na si City Councilor Simon Romulo Tantoco nang sabihin nito na hindi siya tatakbo sa pulitika sakaling tuluyan nang maisabatas ang Anti-Dynasty Bill.

Ito’y matapos isumite ni Councilor Volta delos Santos ang isang resolusyon at nagtatlumpati na humihimok kapuwa sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na madaliin na ang proseso upang ganap ng maging batas ang House Bill 6771.

“Ako ay related kay Congressman Roman Romulo by third degree. Kaya kung meron man posibleng matamaan po dito sa Sanggunian, depende po sa ipapasa na version ng Congress if ever they will do, I may potentially be hit,” ang pahayag ni Tantoco.

“Pero lagi po nating iisipin, pumasok po tayo dito sa politics [na] ang mindset po natin, ang loyalty natin ay hindi po sa isang pamilya, hindi po sa isang partido. Pero ang loyalty po natin ay dapat na sa Lungsod ng Pasig at higit sa lahat sa bansang Pilipinas,” dagdag pa ng second-termer city councilor.

Si Tantoco ay anak ng kilalang socialite na si Mons Romulo na kapatid ng kongresista. Naging asawa ni Mons si Sander ng pamilyang Tantoco na nagmamay-ari ng Rustan’s.

Kumandidato noong 2022 at nanalo bilang city councilor ng Pasig, si Tantoco ay apo ni dating foreign affairs secretary at senador na si Alberto Romulo.

“Sa hinaharap, sakali mang dumating sa punto na may batas na tungkol dito at direkta akong maaapektuhan, maluwag sa puso ko na isantabi ang aking karera sa paglilingkod bayan at sariling ambisyon para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino,” ang matapang na sinabi ng konsehal.

Pinalakpakan si Tantoco hindi lamang ng kaniyang mga kapuwa konsehal kundi pati na rin ng mga bisita at tao sa loob ng session hall.

Sumunod din ang ilan pang mga konsehal sa pagsasabi ng kahalintulad na paninindigan kung saan ang ilan sa mga ito ay may mga kamag-anak na kasalukuyang kasabay na naglilingkod at dating naglingkod na mga kapamilya.

Matatandaan na mainit na isyu ang political dynasty sa Pasig City kung saan pinamunuan ito ng pamilya Eusebio na nagpapalit-palit lang mula sa patriyarkang si Vicente, martriyarkang si Soledad, anak na si Bobby at asawa nito na sa Maribel ganun din ang kapatid ni Bobby na si Ricky na naglingkod bilang kongresista.

Tinapos ni Mayor Vico Sotto ang dinastiyang ito noong 2019 at nangakong hindi siya tatakbo kapag may kasabay itong kamag-anak na kakandidato sa lungsod.

Bulung-bulungan ngayon sa lungsod na sa darating na halalan sa 2028, posible umanong magbabanggaan ang kasalukuyang mga kaalyado ni Sotto na sina Vice Mayor Dodot Jaworski at Congressman Roman Romulo sa pagka-alkalde. Noong 2004, tinalo ni Jaworski si Romulo sa pagka-kongresista.

Tumakbo uli si Romulo sa parehong posisyon, nanalo at nanilbihan noong 2007 hanggang 2016 at noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

At kapag nahati ang mga taga-suporta ng dalawa, posible din dawn a bumalik ang mga Eusebio dahil may solidong taga-suporta pa ang mga ito.

IBA PANG BALITA

‘Gapos gang’ binuwag ng EPD

NABUWAG kaagad ang bago pa lamang namamayagpag na ‘gapos gang’ matapos itong masukol sa isinagawang operasyon ng Eastern Police District (EPD) nito lamang Hulyo...

iACADEMY student secures prestigious FDCP film assistance grant

AN aspiring student filmmaker from iACADEMY has secured a major financial and developmental boost for her upcoming cinematic project after being named a recipient...

BIR, South Korea’s KOICA turn over enhanced electronic invoicing system to boost tax digitization

THE Bureau of Internal Revenue (BIR) and the Korea International Cooperation Agency (KOICA) officially marked the completion of the Electronic Invoicing and Sales Reporting...

New ₱150M packaging hub to boost Caraga MSME competitiveness

LOCAL micro, small, and medium enterprises (MSMEs) in the Caraga Region are set to receive a major competitive boost with the official launch of...

New chemotherapy center opens in Rizal

TAYTAY, Rizal — In a major breakthrough for local healthcare, the Taytay Chemotherapy Center has officially opened its doors on L. Wood St., Brgy....