Reklamo vs quarry ops dedma kay mayor; mga residente nababahala sa banta ng baha

NABABAHALA na ang mga residente ng Sitio Gulod Bayabas at Sitio Bulak, Brgy. Bagumbayan sa Teresa, Rizal sa nagbabantang panganib espisipiko na ang malawakang pagbaha bunsod ng di-umano’y iligal quarry operations sa kanilang lugar.

Ayon kay Renato Tisoy, sitio chairman ng nasabing lugar, posible umanong mangyari ito anumang oras lalo pa’t patuloy na nakararanas ang lalawigan ng masamang lagay ng panahon na nagdudulot ng mga pag-ulan.

Sinabi pa ni Tisoy na dalawang linggo na umano ang nakalipas nang nagpadala sila ng sulat-petisyon kay Mayor Rodel dela Cruz ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin itong sagot sa kanilang hinaing.

Ang mga mamahayag na kasapi sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps ay may kopya ng nasabing petisyon.

“Kami na nakalagda…ay nagrereklamo laban sa mga nagku-quarry sa bundok na pag-aari ng may-ari ng Petron sa pangunguna ni Rodel de Borja dahil sa dulot nilang pinsala sa kalsada,” sulat ng mga residente sa alkalde.

Idinagdag pa sa sulat ng mahigit 60 mga residente na sa ngayon ay hindi [na] umano madaanan ng mga tao sa Gulod Bayabas ang pangunahing kalsada dahil sa putik na napupunta sa daan mula sa bundok na bina-backhoe ng nasabing operasyon.

Nabuo na rin umano ang malaking imbakan ng tubig sa tuwing umuulan at posibleng magresulta sa isang flash flood at landslide at pinangangambahang maglulubog ng kanilang bahay sa gabundok na putik.

Isa pa sa ikinababahala ng mga petisyoner ay na mga sako ng lupa (sand bag) lamang ang inihaharang ng opereytor sa hukay para pigilan ang pag-agos ng tubig na sa kanilang pagtaya ay hindi sapat upang maiwasan ang sakuna.

Nariyan din umano ang pagiging madulas na ng kalsada dahil sa iniwang putik mula sa gulong ng mga dambuhalang trak na nagdulot ng panganib hindi lamang sa mga residente kundi gayun din sa mga motorista.

Ang ipinagtataka pa umano nila ay na walang quarry permit ang nasabing operasyon kundi isang development permit lamang mula sa lokal na pamahalaan ng Teresa, subalit lumalabas na quarry-style excavation na ang ginagawa.

Mistulang bangin na umano sa kasalukuyan ang hitsura ng lugar, na ayon sa mga residente ay tulad-bomba na anumang oras ay “sasabog” at magdudulot ng malawakang pinsala.

“Sana po [ay] matugunan ninyo agad at pansamantala[ng] ipasara [ang nasabing ‘quarry’ operation] dahil sa pinsala [nito] sa aming komunidad,” hiling pa sa sulat ng mga residente kay Mayor Dela Cruz.

Sinisikap ng mga mamahayag na kasapi sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps na makuha ang panig ng alkalde ukol sa isyung ito.

IBA PANG BALITA

₱1-M halaga ng shabu nasamsam sa 4 HVI sa Rizal

APAT katao ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Team ng San Mateo Municipal Police Station (San Mateo MPS) sa Brgy....

₱1.2-B ayuda napunta sa MC taxi “ghost riders”?

MAY posibilidad umano na higit sa ₱1 bilyon ang posibleng naipamigay sa mga “ghost riders” ng motorcycle taxi (MC taxi) dahil sa kawalan ng...

Eugene Nacino hinirang na 2026 ‘Makata ng Taon’

GAGAWARAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Eugene Geibrielle Nacino ng KWF Talaang Ginto: Makata ng Taon 2026 para sa kaniyang tulang: “Asín...

Mister tinapos ang sariling buhay matapos palakulin si misis

ISANG kaso ng parricide ang iniulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) matapos matagpuan sa loob ng kanilang bahay ang misis na sugatan...

Carnapper na nang-blackmail sa Rizal, arestado 

ARESTADO ang isang lalaki nang masakote ng mga pulis matapos manghingi ng pera sa biktima para maisauli ang ninakaw na motor sa Antipolo City,...