Home Police Story Pamilyang Indian nilooban, mamahaling gamit nilimas

Pamilyang Indian nilooban, mamahaling gamit nilimas

0
Pamilyang Indian nilooban, mamahaling gamit nilimas

HABANG nasa bansang India si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang state visit at patibayin pa ang partnership, isang pamilyang Indian naman ang nilooban at nilimas ang mga mamahaling kagamitan ng hindi pa nakikilalang mga suspek, kahapon Agosto 5, 2025.

Ayon sa tinanggap na report ni PLtCol. Alfredo de Guzman Lim, chief of police ng Cainta Municipal Police Station, bandang alas-3:05 ng hapon pumasok sa loob ng bahay ng mga biktima ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga biktima na dahil may nakatutok na baril, pinapanood na lamang nila ang mga suspek habang kinukuha ng mga ito ang kanilang mga kagamitan.

Kinilala ang mga biktima na sina Lambeer Sing, 42, Kurmjit Karr Gill, 42, Jaspreet Singh, 30, at alyas “Faith”, 10 na mga residente ng Block 1 Lot 17 Ipil St., Dacon Homes, Brgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal.

Ninakaw sa mga ito ang vault na may laman na P200,000.00, sari-saring alahas na may halagang humgit-kumulang P1,000,000.00, iPhone 16 na may halagang P90,000.00, iPhone 11 na may halagang P11,000.00.

Hindi rin pinatawad ng mga suspek ang Samsung cellphone na may halagang P11,000.00, Samsung iPad na may halagang P11,000.00, limang (5) relo na may halagang P90,000.00, at passport ng mga biktima.

Idinagdag pa ni PLtCol. Lim na ang apat na lalaking suspek ay agad na sumakay sa isang itim na Ford Territory SUV na may plakang NBG 9800 at humarorot patungong Felex Avenue.

Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang mga salarin gamit ang CCTV at ikinasa na ang isang follow up operations.

Exit mobile version