Home Metro Manila 17-oras na street parking ban sa MM planong ipatupad

17-oras na street parking ban sa MM planong ipatupad

0
Sa nasabing meeting, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ipagbabawal ang pagpa-park sa mga lansangan mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. (Photo: MMDA)

BALAK ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang suhestyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang labing pitong oras (17) na street parking ban sa buong Kalakhang Maynila.

Ito ang napag-usapan sa pagpupulong ng Metro Manila Council, ang policy-making body ng MMDA na kinabibilangan ng 17 alkalde sa Metro Manila na ngayon ay pinamumunuan ni San Juan City Mayor Francis Zamora nang muli itong mahalal bilang pangulo.

Sa nasabing meeting, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ipagbabawal ang pagpa-park sa mga lansangan mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi bilang pagtalima aniya sa nais ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging livable at ligtas ang pamumuhay sa lungsod.

“Ayon sa batas, ang mga pampublikong kalsada ay not for public enterprise. Kaya dapat natin itong gawing ‘no parking zones,’ lalo na sa mga lugar na malaki ang epekto sa daloy ng trapiko sa Metro Manila,” ang pahayag ni Remulla.

Sa kabilang banda, ang mungkahi naman ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi kasabay din sa pagpapatupad ng expanded number coding scheme ng ahensya.

Nilinaw ng dalawang ahensya na ang nasabing suhestiyon ay ipapatupad sa secondary at tertiary public roads lakip na ang barangay at inner roads ngunit ang no-parking policy na kasalukuyang ipinatutupad sa EDSA at Mabuhay Lanes ay mananatili.

Napagpasyahan din sa nasabing pulong ang pagbuo ng technical working group (TWG) na babalangkas ng mga panuntunan kung paano ito ipapatupad taglay sa isipan na makakatulong din ito sa pagpapaluwag sa daloy ng trapiko sa kabuuan.

Ang nasabing meeting ay ginanap nitong Biyernes, Agosto 1, 2025 sa PNP Multi-Purpose Hall in Camp Crame, Quezon City na dinaluhan ng mga opisyales na sangkot sa nasabing proyekto.

Exit mobile version