HINDI nagpaawat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang banatan nito ang mga nakinabang umano sa multibillion-peso flood control project, ngayong hapon sa State of the Nation Address (SONA) nito sa harap ng mga senador, kongresista, opisyales ng pamahalaan at mga bisita.
Ito ang “pinakamatalas” na binitiwang salita ng pangulo sa ika-apat na SONA nito na pinatutungkulan ang mga nagpayamang opisyales samantalang nagdusa sab aha ang mga dapat sana’y nakinabang na mga komunidad.
“Hindi ako mangingimi—pananagutin ang dapat managot. Mahiya naman kayo!,” ang sigaw ng pangulo sa pagkondena nito sa itinuturing na ‘mga taksil sa tiwala ng publiko.’
Tinalakay din ni Marcos sa kaniyang isa’t kalahating oras na talumpati ang may kinalaman sa ekonomiya, peace and order, serbisyong pangkalusugan lakip na ang national security.
“Nakita ko na karamihan sa mga flood control projects ay padaskul-daskol (sloppy), gumuguho, at ang iba ay guni-guni lamang. Tigilan na natin ang pagkukunwari. Alam na ito ng publiko na may nakinabang sa mga proyektong ito,” dagdag pa ni Marcos.
Kasabay nito, inutusan ng pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ibigay sa kaniya ang lahat ng listaha ng nasabing mga flood control projects mula pa noong 2022 para ma-rebyu niya umano.
Binanggit pa ng pangulo ang iba’t ibang termino tulad ng “inisyatiba,” “errata,” “SOP,” at “for the boys” para tukuyin ang nagaganap na ‘inside job’ para makakulembat ng pondo mula sa kabang-yaman ng pamahalaan.
“Mahiya naman kayo sa mga tinangay na kabahayan o lumubog sa baha. Mahiya kayo lalo na sa ating mga anak na magmamana ng ating utang—pera na ibinulsa ninyo,” ayon pa kay Marcos.
