
DUMAGSA na ang mga aplikante na bubuo sa 400 katao upang magsagawa ng malawakang paglilinis, pagtanggal ng mga basura na nakabara sa mga kanal at imburnal at iba pang sanhi ng pagbaha sa bayan ng Cainta.
Ito’y bunsod ng naging resulta sa ipinatawag na “Flood Summit” ni Mayor Kit Nieto pagkatapos ng mahigit isang linggo na walang humpay na pagbagsak ng ulan na nagdulot ng baha sa mga pangunahing kalsada at subdivision sa bayan.
“Ang misyon natin ay linisin [ang] lahat ng baradong kanal at ma-discover ang mga condemned na linya para mapalitan at maiayos, sabi ng alkalde.
Ayon pa kay Nieto, seryoso ang lokal na pamahalaan na resolbahin na ang matagal nang problema na mga pagbaha na nagdulot ng perwisyo sa buhay at negosyo sa kanilang bayan.
“On going [na ang] walk-in ng mga aplikante na bubuo sa 400 katao na lalahok sa Imelda [Avenue]-wide drainage clean up. Dineretso ko na sa office para sa orientation at malaman nilang seryoso tayo sa programa,” ang pahayag ng alkalde sa kaniyang social media post.
Sinabi pa ni Nieto na tatlong buwan ang itatagal ng nasabing proyekto at susweldo ang bawat isa ng P560 araw-araw batay na rin sa pakikipag-usap ng alkalde kay Secretary Benny Laguesma ng Department of Labot and Employment.
Idinagdag pa ng alkalde na 12 villages (subdivision) ang sakop ng naturang proyekto na matatagpuan sa kahabaan ng Imelda Avenue na matinding tinamaan ng pagbaha nitong nakaraang linggo.
Ito ay ang Vista Verde, Village East, Greenpark, Filinvest, Karangalan, Cypress, Country Homes, Kasibulan, Dacon Homes, Gruar, CVS Homes, Villa Olympia, Serra Monte, Eastville at Katarungan Village.
“Ang HOA ng kada subdivision ang tatayo at mag-rereport [sa Munisipyo] ng kanilang mga natapos at magsa-submit sila ng scope of work at timeline ng completed streets kada linggo para monitored natin ang output,” dagdag pa ng punong bayan.
Giit pa Nieto, ang lokal na pamahalaan ang bibili ng lahat ng gamit na kakailanganin ng mga gagawa at may tsansa pang manatili pagkatapos ng kontrata kung maging maganda ang output ng isa.
“Munisipyo ang bibili ng lahat ng gamit na kakailanganin ng mga gagawa at may tsansang manatili pagkatapos ng kontrata kung maging maganda ang output ng isa,” ang tinuran ni Nieto.