2 suspek sa rent-tangay modus sa Antipolo, arestado

0
2 suspek sa rent-tangay modus sa Antipolo, arestado (Photo: Rizal PPO)

ARESTADO ang dalawang suspek sa rent-tangay modus sa Antipolo City matapos matunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng sasakyan dahil sa GPS (Global Positioning System) nito, nitong Enero 14, 2025 bandang alas-7:02 ng gabi sa Sitio Tanza 1, Brgy. San Jose.

Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun ang mga suspek na sina Alyas “Bads,” 28-anyos, nakatira sa Occidental Mindoro at Alyas “Josh,” 20-anyos na nakatira sa Quezon, City.

Ayon sa ulat, Enero 12 bandang alas-dos ng umaga ay nagkasundo sa NAIA Terminal 3 sa Pasay, City ang biktimang may-ari ng van at mga suspek  na rentahan ang sasakyan ng isang araw at gagamitin anila sa kasal sa Batangas.

Ipinakita lamang umano ng mga suspek ang kani-kaniyang driver’s license at agad na nagkasundo dalawang partido na ibabalik na lamang ang L300 van kinabukasan ng January 13, 2025 sa ganap na 9:00 ng gabi.

Dahil sa hindi na umano naibalik ang sasakyan at hindi na rin makontak ng biktima ang naka transaksyong mga suspek kung kaya minabuti nitong isuplong sa mga awtoridad.

Sa isinagawang follow-up operations ng Rizal Provincial Highway Patrol Team (Lead Unit) at Antipolo Component City Police Station at sa tulong na rin ng nakakabit na GPS kung kaya agad na natunton ang kinaroroonan ng sasakyan sa isang compound bandang alas-6:58 ng gabi.

Matapos matiyak sa may-ari ng compound na naroroon pa ang dalawang suspek, agad na hinuli ang mga suspek habang akto na ikinakarga ng mga ito ang pira-pirasong bahagi ng sasakyan.

Maliban sa iba’t ibang mga chop-chop na bahagi ng mga sasakyan, narekober din sa dalawang suspek ang maraming mga susi ng ninakaw na mga sasakyan sa rent-tangay na moduis operandi ng mga ito.

Nasa kustodiya na ng Antipolo Component City Police Station Custodial Facility ang mga arestadong suspek habang pinaghahanap pa ang iba pang suspek na nagkaroon ng transaksyon sa biktima habang kasalukuyang isinasagawa ang inquest proceedings para sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.

About Author

Show comments

Exit mobile version