BUMABA ang bilang ng mga nabubuntis kahit pa noong bago at pagkatapos ng pandemya, ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng Commission on Population and Development (CPD).
Batay sa Philippine Statistical Research and Training Institute: “Fertility Decline during COVID-19 Pandemic” na kinomisyong ng CPD, lumalabas na isinaalang-alang ng mga mag-asawa na huwag munang mag-anak dahil sa kakulangan sa pinansyal at mababang kita.
Nakadagdag pa umano, ayon sa CPD, ang pangamba dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mga serbisyo.
Ayon pa sa diskusyon ng grupong nakatutok sa nasabing usapin, nagpasya umano ang mga mag-asawa na ipagpaliban muna ang pag-aanak dahil sa naranasang pangglobong krisis at tinanggap ang modern family planning methods.
Ngunit kapansin-pansin ayon sa CPD, na batay sa rekord ng Philippine Statistics Authority-Civil Registration and Vital Statistics (CRVS), nagpapakita na umano ng pagbaba ng bilang ng mga ipinanganak sa iba’t ibang rehiyon ng bansa kahit noong wala pa ang pandemya.
Noong 2017, may kabuuang naitala na 1,700,618 panganganak ang nai-rehistro, bumaba pa ito noong 2018 sa 1,668,120 bagama’t gahiblang tumaas ito noong 2019 sa 1,673,923.
Napansin pa lalo ang pagbulusok nito noong 2020 dahil may 1,528,684 ipinanganak, bumaba pa sa 1,364,739 noong 2021 at katiting lamang ang naidagdag noong 2022 na 1,455,393.
“Our recent study supports the assumption that Filipinos, even before the COVID-19 health situation, were already keen with their mindsets of delaying life-defining events such as dating, marriages and having children. These preferences were reinforced by the shocks in broader socioeconomic conditions, and the rise in the level of uncertainties in various aspects of the pandemic,” ang pahayag ni CPD Executive Director Lisa Grace S. Bersales, Ph.D.
Idinagdag pa ni Bersales na “We are now monitoring whether these fertility behaviors have become the norm post-pandemic.”