Noong 2014, dumanas si Samboy “Skywalker” Lim ng cardiac stroke sa isang basketball game sa Pasig; hindi raw siya nabigyan nang CPR dahilan para siya ay ma-comatose.
Ayon sa biyuda ni Lim na si Atty. Darlene Marie Berberabe, dating CEO ng PagIbig Fund, na noong Hunyo 30, 2016 ang Samboy Lim bill o ang Basic Life Support Training in Schools Act (R.A. No. 10871) ay nag-lapse at automatic na naging batas.
Matatandaang namayapa si Samboy dahil sa cardiac arrest noong Disyembre 23, sa edad na 61, matapos ang siyam na taong pakikibaka kay kamatayan habang nasa ospital.
Sinabi ni Atty. Darlene na noong 2015, sa inisyatibo ng Philippine Heart Association (PHA) siya at ang mga kinatawan nito ay nag-presinta sa Kongreso ng mga dahilan para gawing batas ang Samboy Lim Act o ang House Bill No. 10871. Naaprubahan naman ito kinalaunan, at dahil sa hindi napirmahan ng Pangulo, naging ganap na batas ito noong 2016.
Ayon sa aming datos, itinuturo na at isinasagawa magmula pa noong 1960 sa Norway ang CPR. May 27 states sa Amerika ang nag-utos nang patuturo ng CPR sa lahat ng high schools nito, at nagsimula na ring ituro ito sa Malaysia, Singapore at Japan.
Sa Singapore 34.3 percent sa 5.92 milyon na populasyon nito ang nag-train na sa CPR at 10.7 percent sa AED o automated external defibrillator.
Samantala, hiniling ni Atty. Darlene ang pagsusulong ng AED Bill na nagre-require sa bawat mall, gym, public event, atbp. na magkaroon ng defibrillator.
Ayon sa Cambridge Dictionary, “Defibrillator is a machine that uses an electric current to make someone’s heart beat (move) in a normal, regular way.”
Dagdag pa ni Atty. Darlene, na bukod sa CPR, magkaroon daw nang mas malaking tsansa ang mga biktima ng stroke na maka-recover matapos ang rehabilitation, at humaba pa ang kanilang buhay.
Nagpasalamat din si Jaime, anak nina Darlene at Samboy sa lahat ng mga nakiramay sa kanilang pagdadalamhati, hindi lamang ang kasamahan ng kanyang ama sa PBA at basketball world, pati na rin sa maraming fans na nagpaabot nang pakikiramay. Iniaalay daw niya ang kanyang summa cum laude honor mula sa University of the Philippines sa kanyang ina, at ang kanyang ASEAN gold medal sa kanyang ama.