Binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa dekalidad na pagsasanay at edukasyon para sa mga guro.
Lumabas sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), na magmula 2018-2022, umakyat ang porsyento ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga paaralang kulang sa kwalipikadong guro.
Noong 2022, 43 percent ng mga mag-aaral ang nasa paaralang kinulang ang kakayahang maghatid ng edukasyon dahil sa kulang ang mga guro, at 19 percent naman sa mga paaralang may kakulangan sa kwalipikadong mga guro. Noong 2018, ang mga naitalang porsyento ay 19 at 8. Ibinatay ang datos na ito sa ulat ng mga punong-guro na sinurvey.
Lumabas din sa resulta ng PISA na bago pa bigyang konsiderasyon ang socio economic profile ng mga mag-aaral, ang isang unit ng pagtaas ng index ng education staff shortage ay nagdulot ng pagbaba ng 6 points sa Math score ng mga mag-aaral.
Upang matiyak na may kwalipikadong mga guro ang mga paaralan, binigyang diin ni Gatchalian na kailangan ang ganap na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (ETEA) o Republic Act No. 11713. Layon nitong iangat ang kalidad ng teacher education at training sa bansa. Si Gatchalian ang sponsor at may-akda ng naturang batas.
Pinapatatag ng ETEA ang Teacher Education Council (TEC) upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHEd), at Professional Regulation Commission.
Magkakroon lamang ng patuloy na pagbibigay nang angkop at dekalidad na edukasyon sa mga guro mula pre-service hanggang in-service, kung paiigtingin ang kooperasyon sa pagitan ng mga ahensyang ito.
“Ang ating mga guro pa rin ang may pinakamahalagang papel sa pagkatuto ng ating mga mag- aaral, kaya naman dapat nating tiyakin na nakakatanggap din sila ng mataas na kalidad ng edukasyon at pagsasanay. Ang pagpapatupad nito nang maayos ang dahilan kung bakit natin, ipinasa ang Excellence in Teacher Education Act,” ani Gatchalian, Chair, Senate Committee on Basic Education.