Sa harap nang patuloy na isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization (PUVM)
program ng gobyerno, patuloy pa ring ginagawa tayong tambakan ng mga outdated at rejected na sasakyan mula sa ibang bansa.
Ito ang opisyal na pahayag ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na hindi sang-ayon sa
planong permanenteng alisin sa mga kalsada ang tradisyunal na jeepney.
Tataas ang pamasahe. Ito raw ang magiging epekto ng PUVM ayon kay Manuel. At labis na
maapektuhan nito ang mga mahihirap, partikular ang mga estudyante, arawang manggagawa, at mga nagtatrabaho sa informal sector ng lipunan.
“Sa computations, puwedeng umabot sa 34 pesos ang na pamasahe sa mga jeepney at mapapasa ang ganung burden, madadama yon ng mga commuters natin,” saad ni Manuel.
Ang pahayag ng LTFRB na pwede pang bumiyahe ang traditional jeepneys hanggang 2024
basta nakapag-consolidate ng prangkisa, ay hindi praktikal, dagdag pa ng mambabatas.
Ang consolidation ng prangkisa ay magreresulta sa monopoly ng malalaking imbestor at
korporasyon na gustong mag-invest sa modern jeepney. Kapag nangyari ito, hindi na magiging isang serbisyo-publiko ang naturang transportasyon, dahil dito, tinatayang magiging doble o hanggang triple ang halaga ng pamasahe, na magiging isang bangungot sa karaniwang Pilipino.
Ang paggamit ng luma, madaling-masirang modern jeepney mula sa China — na pilit na
isinusulong ng gobyerno — ay magdudulot lamang nang bankruptcy o pagkabangkarote sa mga kooperatiba, driver-operators, at kumpanya na bibili nito, ayon pa kay Manuel.
Rehabilitasyon, hindi ang total phaseout sa tradisyunal na jeepney, pagdiriin ni Manuel.
Ayon sa source ng BraboNews, marami ng yunits na gawang-China na jeepney ang naisoli na sa financing companies dahil bukod sa madaling masira ang makina, nalulugi ang operators dahil sa sobrang mahal ng bawat yunit na P2 milyon isa, kaya mahirap abutin ang buwanang hulog.
Samantala, inianunsyo kamakailan ng Francisco Motors Corporation — ang gumagawa ng
tradisyonal na jeepney na nakagawa na sila ng modern electric jeepney na pasok sa specifications ng LTFRB, sa halagang P985,000 lamang para sa unang 1,000 yunits. Inaasahang papatok ito sa mga operator ng jeep dahil sa mura na, wala pang gastos sa diesel o gasolina at zero emission pa.