Mamadaliin na ng Senado ang panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ito ang tiniyak ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng committee on science and technology, kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol matapos nitong ihayag na nais nila ng modernisasyon sa loob ng limang taon.
Iginiit ni Bacolcol na nangangailangan ang Phivolcs ng mga makabagong kagamitan sa pagmo-monitor sa pagsabog ng bulkan, tsunami, at pagtukoy ng danger zones sakaling magkaroon nang mga pagyanig.
Mayroon aniyang 24 aktibong bulkan sa bansa, kung saan, 10 lamang ang patuloy na namo-monitor ng Phivolcs, at tanging ang bulkang Mayon at Taal lamang ang may kumpletong monitoring instruments.
Maliban dito, kinakailangan din ng karagdagang 300 seismic stations at 50 monitoring stations para sa tsunami.
Sa 832 na mga munisipalidad at siyudad sa bansa na expose sa posibleng tsunami, 29 lamang
ang may monitoring stations.
Una nang sinabi ni Sen. Cayetano na hindi siya tutol sa P120 bilyon na proposed budget ng
Phivolcs para sa limang taon, pero isinusulong niya na gawin itong pitong taon sa halip na lima,
upang matiyak na mapopondohan ito ng gobyerno.