Aabot na sa 20 katao sa General Santos City ang namatay sa sakit na dengue ngayong taon.
Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang sakit, kung saan, mula 686 na kaso noong nakaraang taon ay umakyat na ito sa 3,488, na katumbas ng 408% na pagtaas.
Nanguna ang Barangay San Isidro sa may pinakamataas na kaso ng dengue, na umabot sa 411, sinundan ng Calumpang na nasa 373 at Labangal na mayroong 337 dengue cases.
Sa kabila nito, wala pa ring dengue outbreak na idinedeklara ang General Santos City Health Office.
Ayon kay Dr. Lalaine Calonzo, head ng City Health Office, nababahala sila sa patuloy na pagsirit ng mga kaso ng dengue, kung saan nasa 962 lamang ang suspected cases noong Mayo.
Posible aniyang dulot ito ng naranasang mga pag-ulan sa probinsya at kawalan ng sanitasyon sa mga bahay at paligid.
Kaugnay nito, magsasagawa ang mga otoridad ng door-to-door dengue testing upang ma-check ang mga may-sakit at makumpirma kung dengue ang kanilang sakit.