IPINAHIWATIG ni dating Senador Leila de Lima na may posibilidad na kasuhan niya ang mga
umusig at nagpakulong sa kanya.
Ito ay matapos na siya ay pinayagan ng korte na makapagpiyansa ng P300,000 matapos ang
halos pitong taon na pagkakakulong dahil diumano sa pekeng mga kaso sa ilegal na droga.
Pinag-uusapan pa raw ng kanyang legal team kung anong hakbang ang gagawin.
Sa isang press briefing nitong Lunes, matapos siyang makalabas sa Camp Crame detention
cell, sinabi ni De Lima na mahirap ang walang-katarungang pagkakakulong at mahalaga na
papanagutin ang mga taong naging dahilan ng kanyang pagkakakulong.
“My lawyers and I are talking about it. We can’t announce anything specific yet. I need to do
something, too. It’s not easy, it’s very hard to put someone in jail without any guilt,” ayon pa sa
dating senador.
Sinabi niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, “God forgive him and God bless him,” alam
daw ng dating Pangulo kung ano ang ginawa nito sa kanya.
Si De Lima ay dating justice secretary sa ilalim ng administrasyon ng noo’y Pangulong
Benigno Simeon Aquino III, ang pinalitan ni Duterte. Nahalal si De Lima bilang senador noong
2016, kasabay ni Duterte.
Iniugnay ni Duterte si De Lima sa illegal drug trade activities sa loob ng New Bilibid Prisons
noong siya pa ang secretary of justice, na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong magmula
noong Pebrero 2017 hanggang Nobyembre 13, 2023.
Umaasa si De Lima na magkakamit niya ang hustisya sa ilalim na gobyerno ni Pangulong
Ferdinand Marcos Jr.