IPINAHAYAG ni Senador Win Gatchalian kamakailan na gusto niyang maging aktibo sa
paglahok ang local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng 911 emergency service ng
Philippine National Police (PNP).
Nilinaw ng senador na ang pagtanggap ng emergency call ay kaiba sa pagtugon sa tawag na
iyon, na mas mahalaga. Kung aktibo ang lokal na pamahalaan, agad silang makatutugon sa
lahat ng uri ng emergency.
“Ito ay isang pangarap para sa lahat ng local government units sa bansa gayundin para sa ating
mga nasasakupan na magkaroon ng isang emergency number na madaling tandaan at tawagan
na magbibigay-daan sa direktang access sa pulisya, medic, bumbero, at maging ang ibang
serbisyo ng lokal na pamahalaan,” ani Gatchalian.
Partikular na hiniling ni Gatchalian sa DILG na magbigay ng isang road map na magdadala sa
bansa sa pagkakaroon ng komprehensibong 911 emergency services coverage.
“Bigyan nyo kami ng roadmap. Ang mahalaga dito ay hindi lamang ang pagtanggap ng mga
tawag kundi kung paano natin maipapadala ang mensahe mula sa mga maysakit na nasa kalye
hanggang sa ambulansya sa ospital. Ang oras ng pagtugon ay kailangang paikliin para mabigyan ng agarang serbisyo ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong,” dagdag
pa ng senador.
Ibinunyag ni DILG USec. Lord Villanueva na ang 911 emergency services ng bansa ay
tumatanggap ng average na 60,000 tawag araw-araw. Hindi kayang palakihin ng ahensya ang
serbisyong pang-emergency nito dahil kulang sa pondo. Umabot lamang sa P26 milyon ang
pondo nito noong nakaraang taon, na pareho rin ngayong 2023.
Nangako si Gatchalian na magsisikap siya para magkaroon nang mahusay na 911 emergency
services tulad ng sa Amerika.
“Iyan ay isang adhikain para sa ating lahat, lalo na sa larangan ng kapayapaan at kaayusan,”
pagtatapos ng senador.