MARIING kinondena ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte ang engkuwentrong naganap nitong mga nakaraang araw lamang sa limang bayan sa lalawigan ng Masbate sa pagitan ng teroristang New People’s Army (NPA) at militar.
Ito’y matapos na pansamantalang suspendihin ang face-to-face classes sa mga eskuwelahan sa mga bayan ng Placer, Dimasalang, Uson, Cataingan at Cawayan dahil sa naganap na mga sagupaan ng mga rebeldeng grupo at tropa ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng Department of Education (DepEd), nakakabahala na di-umano ang sunod-sunod na pag-atake ng mga rebeldeng grupo dahil nagresulta ito ng pagkaantala sa pag-aaral ng mga estudyante sa nasabing probinsiya.
“Ang mga gawaing terorismo na ito ay nagdulot ng trauma sa mga estudyante gayundin sa mga guro at empleyado ng mga eskuwelahan na nakasaksi sa karahasan na ginagawa ng New People’s Army (NPA),” sabi ni Poa.
“Ang DepEd,” ayon pa kay Poa “ay hindi natitinag sa mga taktika ng pananakot ng mga rebeldeng terorista at gagawin ng ahensya ang buong makakaya upang patuloy na makapag-aral ang mga estudyante kahit saanmang liblib na mga lugar sa bansa.”
Sinabi pa ng tagapagsalita na ang Deped Regional Office V at Schools Division Office (SDO) ng Masbate ay inatasang tiyakin na tuloy-tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante at walang gagawing suspensyon ng klase.
Ipinauubaya na ng ahensya sa diskresyon ng mga punong-guro o principal kung kailangan bang isuspendi ang face-to-face classes at ibalik ang blended learning.
Hinihimok din ng DepEd na makipagtulungan ang mga ito sa mga local government unit (LGU)—taglay sa isipan ang mental na kalusugan ng mga mag-aaral at kapakanan ng mga school personnel.
Samantala, ang Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Edukasyon, Sara Duterte ay patuloy na makikipag-ugnayan sa Division Commander ng Philippine Army at sisiguraduhin ng huli na bigyan ng proteksyon ang mga school personnel at mga mag-aaral sa nabanggit na mga lugar.
Todo-suporta naman ang Pangalawang Pangulo sa gagawin na ito ng Philippine Army at nangakong dadalaw kaagad sa apektadong mga bayan sa Masbate kapag hindi na makakaapekto sa isinasagawang follow-up operation ng militar ang kaniyang pagbisita.