NANAWAGAN si former Interior secretary Benhur Abalos sa mga otoridad, partikular sa mga pulis, na buwagin ang mga pribadong armadong grupo sa lalong madaling panahon o bago ang nakatakdang pangangampanya at eleksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga botante.
Sinabi ng senatorial aspirant na sinusuportahan niya ang layunin ng gobyerno na tiyaking walang casualty sa halalan.
Nagbabala rin si Abalos na maaaring gamitin ng ilang makapangyarihang politiko na nagmamantini ng pribadong armadong grupong upang takutin ang mga botante o kalaban sa pulitika at mga taga-suporta nito.
‘’Prayoridad ang kaligtasan ng ating mga kababayan kaya’t nararapat lamang na matiyak na hindi makapaghasik ng kaguluhan ang mga private armed groups na ito,’’ ayon pa kay Abalos.
‘’I call on our police officials and other law enforcers to work hand in hand with local government units in dismantling these armed groups that could threaten the safety of our kababayans ahead of the elections,’’ dagdag pa nito.
Nanawagan pa si Abalos sa mga pulis na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pagtukoy ng mga posibleng hotspot sa darating na halalan.
‘’Tungkulin ng kapulisan na ma-identify na rin ang mga magiging hotspots ngayong panahon ng halalan at tiyakin ang seguridad sa mga lugar na ito,’’ ani Abalos.
Sinabi pa ng dating kalihim na dapat maramdaman ng publiko ang kaligtasan at hindi matakot upang makaboto sila para sa kandidatong tunay nilang nais.
Nauna nang inihayag ng Commission on Elections na ang panahon ng kampanya para sa mga senatorial candidate at mga party-list group ay mula Pebrero 11 hanggang Mayo 10, 2025.
Samantala, ang panahon ng kampanya para sa mga kandidato sa House of Representatives at mga kandidato sa parliamentary, provincial, city, at municipal election ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025. Ang araw ng halalan ay itinakda sa Mayo 12, 2025.