GAGAWARAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Eugene Geibrielle Nacino ng KWF Talaang Ginto: Makata ng Taon 2026 para sa kaniyang tulang: “Asín sa Hasang ng Lupà” kung saan tatanggap siyá ng ₱30,000, tropeo, at medalya.
Samantala, nagwagi naman si Joseph Cemena ng Ikalawang Gantimpala pára sa kaniyang tulang “Lubid ng mga Tinig” at may matatanggap siyáng ₱20,000 at plake.
Nanalo rin si Romeo Peña sa kaniyang tulang “Mina Extraer” ng Ikatlong Gantimpala, at maliban sap lake, makakatanggap siyá ng ₱15,000.
Itinanghal naman bilang ‘Mga Karangalang Banggit’ sina Emersan Baldemor sa kaniyang tulang “Panagdait Field Theory” at Mark Anthony Angeles sa kaniyang tulang “Mga Ártepákto ng Naritó at Ngayón.”
Si Nacino ay kasalukuyang nag-aaral sa Saint Louis University sa Baguio City na may kursong Bachelor of Science in Medical Laboratory Science.
Nagsilbi rin siyang Punong Patnugot ng “Ang Banaag” na opisyal na lathalain ng Bangui National High School sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Nakapaglathala ng tatlong akdang pampanitikan sa Bannawag Magazine (ng Manila Bulletin Publishing) at nagwagi sa iba’t ibang timpalak sa pagsulat ng tula gaya ng Mga Tala at Tula at Maestra Mercedes Pundador Awards.
Ang Talaang Ginto: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsúlat ng tulâ na itinataguyod ng KWF na naglalayong pasiglahín at pataasín ang urì ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ.
Ang KWF ARAW NG PARANGAL 2026 ay gaganapin sa Abril 29, 2026.

