PINABILIS at wala ng pasikot-sikot pa ang pagbibigay ng tulong ng batikang broadcaster at pilantropo na si Ka Rex Cayanong sa kanyang mga kabarangay sa Barangay San Isidro, Antipolo City.
Dahil sa kabi-kabilang karaingan na kanyang natatanggap mula sa mga nangangailangan, napag-isip at agad na gumawa ng hakbang ang broadcaster upang hindi na maging masalimuot ang kaniyang pagtugon.
Kabilang sa hakbang na ginawa ni Ka Rex ay ang paggamit ng QR Code sa kanyang programa na “TULONG NI KA REX CAYANONG” para mas mabilis na makakonekta ang kaniyang mga kabarangay sa kanyang tanggapan.
Sa pamamagitan ng bagong sistemang ito, kailangan lamang na i-scan ang QR Code gamit ang QR code reader app [na libreng nada-download sa Google Play Store at Apple App Store] para makakapag fill-out online.
Ilagay lang ang pangalan, edad, estado sa buhay, lugar ng paninirahan at iba pang detalye, ganun din kung ano ang nararapat na tulong ng hindi na kailangan pang magtungo sa kanilang tanggapan.
Ngunit bago pa man simulan ang paggamit ng QR Code ng TULONG NI KA REX CAYANONG, marami na siyang nahatiran ng tulong tulad ng wheel chairs, solar lights, saklay, pagsasaayos ng ilang eskinita atbp.
Dahil sa mga tulong na ito, marami na sa kaniyang mga kabarangay na matatanda at may kapansanan ang nagkaroon ng panibagong pag-asa na kahit paano ay makalabas ng bahay at makapamasyal, maraming madidilim na lugar ang nabigyan ng liwanag at mga eskinita na kaaya-aya nang daanan ng tao.
Maliban dito, mas lalo pang pinag-ibayo ni Ka Rex ang kanyang pagtulong, katunayan, isang malawakang programa ang nakatakda niyang ilunsad, ang Barangay Action Center sa pamamagitan ng tinaguriang “ONE STOP SHOP OFFICE ACTION CENTER. ILAPITÂ KAY KA REX.”
Sa ilalim ng programang ito, direktang makakarating sa kanyang mga kabarangay ang mga tulong mula sa nasyunal na pamahalaan.
Naniniwala si Ka Rex na sa pamamagitan ng mga bagong programa na kanyang inilulunsad ay mas mabilis niyang maaabot ang iba pa sa kaniyang mga kabarangay na mahigpit na pangangailangan.



